7 buwang gulang na fetus, nadiskubre sa beach sa Dagupan City
Isang pitong-buwang-gulang na fetus na babae na nakakabit pa ang umbilical cord at placenta ang nakita ng mga mangingisda sa isang beach sa Dagupan City, Pangasinan. Dahil masangsang na ang amoy ng fetus, inilagay ito sa karton at tinakpan ng mga diyaryo nang dalhin ng mga awtoridad sa tanggapan ng City Health Office (CHO). Ayon kay Police Chief Insp. Herminigildo Pablico, deputy chief of police ng Dagupan City, papunta na sa laot ang mga mangingisda nang makita ang fetus sa bahagi ng Tondaligan beach. Noong una ay inakala raw ng mga mangingisda na basura lang ang fetus na ibinaon sa lupa at tinakpan ng mga damit. “Ang sabi kasi 12 midnight may narinig silang umiiyak pero hindi pinansin," ayon kay Pablico. Inaalam naman ng mga imbestigador kung makatutulong ang nakitang mga damit na nakita katabi ng fetus. Ang isang t-shirt ay may marka ng isang unibersidad, habang ang isa pa ay t-shirt naman tungkol sa samahan ng mga jeepney driver. Sa pagsusuri ng CHO, pitong buwan na ang fetus na babae at kumpleto na rin ang iba’t ibang bahagi ng katawan nito. Bukod sa walang nakitang sugat o pasa sa fetus, buo pa ang umbilical cord at placenta nito at hindi rin nasira ang amniotic fluid. Nangangamba naman ang CHO sa kalagayan ng ina ng fetus dahil malaki umano ang posibilidad na dinudugo ito dahil sa nangyari. “May bleeding at baka magkaroon ng impeksyon. Ito ang sinasabi nating unwanted pregnancy," ayon kay Dr. Leonard Carbonell, Dagupan City Health Officer Pababasbasan muna sa St. John Cathedral ang naturang fetus saka ito ililibing sa pampublikong sementeryo ng siyudad. –JFArcellana/GLCalicdan/FRJ, GMA News