Isa pang sinkhole, nakita sa Cebu
Isa pang sinkhole ang nadiskubre sa lalawigan ng Cebu na nagbibigay ngayon ng pangamba sa mga residente sa lugar. Sa ulat ni GMA News reporter Chona Carreon sa 24 Oras nitong Biyernes, sinabing ang ikalawang sinkhole ay nakita sa Sitio Central, Brgy Anao sa Ginatilan, Cebu. Ang sinkhole ay tinatayang may bilog na tatlong dipa at lalim na tatlong talampakan. Gaya ng sinkhole na nakita sa bayan ng Dumanjog noong nakaraang linggo, sinasabing nagsimulang lumubog ang bahagi ng lupa sa Brgy Anao matapos ang malakas na lindol na naganap sa Visayas region noong Pebrero 6. Ang sinkhole sa Dumanjog ay may bilog na 10 x 8.5 meters at apat na metro naman ang lalim. Dahil sa pangambang lumaki at lumalim pa ang hukay sa Brgy Anao, pinagsabihan na ang mga tao rito na huwag pumunta sa lugar upang maiwasan ang disgrasya. Nanawagan din ang mga lokal na opisyal sa Mines and Geosciences Bureau (MGB) na suriin ang nakitang hukay sa lugar ng taniman ng mais at daanan din ng mga tao. Dati nang ipinaliwang ng MGB na malaking bahagi ng Cebu ay lime stone kaya inaasahan na magkaroon ng mga sinkhole. – FRJ, GMA News