GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Mga buntis sa Mariveles, nagpasiklaban sa 2012 Buntis Pageant

February 25, 2012 2:34pm
Umabot sa 17 buntis ang lumahok sa taunang “Gng. Buntis Pageant" na ginanap sa Mariveles Peoples’ Park sa Mariveles, Bataan nitong Huwebes ng gabi.

Very proud na inirampa ng mga kandidata ang nakausli nilang tiyan na nasa ika-anim hanggang ika-walong buwan na pagbubuntis.

Sinimulan ang kasiyahan ng patimpalak dakong 7:00 p.m. na umabot hanggang 1:00 am nitong Biyernes. Dahil kakaiba ang pageant, dinagsa ng mga tao ang patimpalak at marami ang hindi makatiis na hindi humiyaw sa kasiyahan sa kanilang nasasaksihan.

Ayon kay Dr. Cleotilde Concepcion, punong-abala ng Ginang Buntis Congress, ginagawa nila ang pageant taon-taon upang ipaalam sa mga tao – lalo na sa mga babae -- kung ano ang dapat gawin para sa ligtas na pagbubuntis, panganganak at wastong pangangalaga sa mga anak.

“Ito’y isang proyekto ng municipal health office sa tulong ng ibang ahensiya to promote responsible parenting," paliwanag naman ni Mariveles Mayor Jesse Concepcion.

Sinabi naman ni Dr. Danilo Velasco, municipal health officer, na ayaw ni Mayor Concepcion na may namamatay sa panganganak. Sa nakaraang dalawang taon, nakapagtala ang lungsod ng zero maternal death.

“Ang mga kandidata ay nagsisilbing mga ambassador ng maternal health. Dati-rati, ang focus ng pageant ay dental at medical health lang. Pero sa taong ito ay idinagdag natin ang mental health," paliwanag ni Velasco.

Nagsimula ang pageant sa isang production number kung saan nagpakilala ang bawat kandidata na may edad na 21 hanggang 34 taong gulang sa barangay na kanilang pinagmulan.

Sinundan ito ng talent portion para maipamalas ng mga kandidata ang galing nila sa interpretative dance, pagkanta, pagmadjik at paghataw sa mga hot numbers.
Mayroon ding yumugyog, gumiling, nagpaikot-ikot na parang hindi mga buntis.

Napa-wow ang mga manonood sa naggagandahang costume ng mga kandidata na buong tiwalang rumarampa sa stage. Sa bahaging ito ay hinarana sila ni Tito Catipon, sikat na local singer.

Sumunod ang question and answer portion na ang tanong ay mula sa mga piling hurado na karamihan ay mga doktor. Matapos ang Q & A at intermission number ng Bandang Kawayan ng Polytechnic University, pinili ang limang finalist.

Ang lima ay pinasagot sa iisang tanong na: “Bilang isang ina, ano ang maitutulong mo sa bansa upang mapababa ang maternal mortality rate o bilang ng namamatay sa panganganak?"

Si Rochelle Briones ng barangay San Carlos, 21-anyos, at nasa kanyang ika-pitong buwang pagbubuntis sa kauna-unahang anak, ang napiling “Gng. Buntis 2012" ng Mariveles. – Ernie Esconde/FRJ, GMA News



We welcome healthy discussions and friendly debate! Please click Flag to alert us of a comment that may be abusive or threatening. Read our full comment policy here.
Comments Powered by Disqus