Lawak ng oil spill sa Poro Point, La Union, ininspeksiyon ng CENRO
Aabot sa limang barangay ang naapektuhan sa naganap na oil spill sa San Fernando Bay sa La Union, matapos tumagas ang langis sa pipeline ng isang cargo vessel na nagdidiskarga ng produkto patungo sa isang depot. Kahit dalawang araw na ang nakalipas nang maganap ang pagtagas, ramdam pa rin ang epektong dulot nito sa mga residente sa paligid ng Poro Point, San Fernando City. Ininspeksyon nitong Huwebes ng mga opisyal ng Community Environment and Natural Resources Office o CENRO ang lawak ng epektong dulot ng tumagas na langis sa baybaying ng Poro Point. Patuloy na naamoy pa rin ang tumagas na langis sa lugar kaya nangangamba pa rin ang mga residente para sa kanilang kalusugan at kabuhayan. Ang mga mangingisda, imbes na isda ang hanguin, mga langis ang kanilang sinasalok at inilalagay sa mga container. Malaki ang naitulong ng mga mangingisda sa pagkontrol para hindi kumalat ng husto ang tumagas na langis pero may malaking banta ito sa kanilang kabuhayan. “Naapektuhan ang mga isda dahil yung amoy ng krudo," pangamba ng residenteng si Jojo Salvador. May ilang bata pa rin naman natatampisaw sa dagat at hindi alintana ang panganib na maaaring idulot ng langis na tumagas sa tubig sakaling mainom nila. “Lahat ng tao sa barangay lumikas, lumayo sila dahil hindi na makahinga yung mga tao," ayon kay Barangay Kagawad na si Joe Quiangco. Batay sa inspeksyon na isinagawa ng CENRO, unti-unti nang nabawasan ang amoy at pagkalat ng langis sa dagat. Bukod sa inilatag na spill boom, nagpakalat din ang naturang kumpanya ng langis ng mga absorbent pad. “Compared yesterday, wala na po ang yellowship sa kulay sa dagat, wala na pong nag-scooping sa ngayon, nagdeploy sila ng absorbent pad para sipsipin ang remaining oil," paliwanag ni Rizalyn Medrano, Senior Environmental Management Specialist, CENRO-San Fernando City Magiging basehan ang ulat ng CENRO kung ano ang magiging pananagutan ng kumpanyang Chevron sa nangyaring oil leak. Sa panayam sa telepono sa tagapagsalita ng Chevron, tiniyak nito na ginagawa nila ang lahat para tuluyang makontrol ang pagtagas ng langis. “Kung gaano tayo kabilis nagresponde sa situation, ganoon din tayo kabilis reresponde sa any future incidences and its part of our processes to see to it na we’re always on out toes," ayon kayToby Nebrida, Chevron spokesperson. Inatasan na rin ang mga opisyal ng iba’t ibang barangay para magbantay sa agarang epekto ng pagtagas ng langis sa kalusugan ng mga residente. Hindi pa matiyak ng CENRO kung ilang bariles ng langis ang tumagas sa dagat. Kailangan pa rin ang regular na water quality sampling para matukoy kung ligtas na ang tubig sa dagat. –ASTulagan/GLCalicdan/FRJ, GMA News