Batang tinamaan ng ligaw na bala, may pakiusap sa nakabaril sa kanya
Hindi man niya nakikilala, nakiusap ang walong-taong-gulang na batang lalaki sa Calasiao, Pangasinan, sa taong nakabaril sa kanya na makonsensiya at tulungan siya sa pagpapagamot. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Lunes, sinabing nagpapagaling na ang batang si “Sunday," mula sa tinamo nitong tama ng bala sa braso. Kwento ni Sunday, akala niya ay may bumato lamang sa kanya pero laking gulat niya nang makitang may dugo na ang kanyang suot na damit. Tumagos sa bubungan ng bahay na gawa sa yero ang bala na nagmula sa hindi pa matukoy na kalibre ng baril. “Bigla pong may narinig akong putok ng baril tapos mga ilang segundo may biglang parang bumato dun sa bubungan namin. Tapos ‘pag papasok na po ako sa sala bigla niya (Sunday) na po ‘kong tinawag na umiiyak," kwento naman ng kapatid ng biktima. Nanawagan din ang ina ng bata sa nagpaputok ng baril na lumantad at tulungan sila sa gastusin sa pagpapagamot sa kanyang anak. -- FRJ, GMA News