GMA News Online
Ulat Filipino
»
Balitang Pinoy

Gobernador, nabahala sa nagaganap na mga krimen sa Bulacan

February 28, 2012 6:31pm

Tags: Bulacan
Pupulungin ni Bulacan governor Wilhelmino Alvarado ang Provincial Peace Order Council (PPOC) sa linggong kaugnay sa mga nagaganap na krimen sa lalawigan.

Sinabi ni Alvarado na hindi siya kontento sa natanggap na impormasyon mula sa Bulacan provincial police na bumaba pa ang bilang ng krimen sa Bulacan sa unang dalawang buwan ng 2012.

Pero puna ng gobernador, tumataas din ang bilang ng mga mapangahas na krimen na hindi nalulutas sa lalawigan.

“Nagiging very bold ang mga kriminal, maraming kaso na ginawa in broad day light. Hindi pupuwede ang ganyan, dapat matigil iyan," pahayag ni Alvarado nitong Lunes.

Kabilang sa mga mapangahas na krimen na tinukoy ni Alvarado ay ang pagbaril sa negosyanteng si Cristina Roxas, na naganap sa Paombong noong tanghali ng Enero 25.

Si Roxas ay binaril sa loob ng isang pampasaherong jeepney, ilang saglit matapos itong dumalo sa isang hearing sa kapitolyo ng Bulacan.

Samantala, noong Pebrero 6 naman ay tinambangan sa San Miguel si Brgy Sta Ines chairman John Alvarez. Nakaligtas ang kapitan pero dalawa niyang kasama ang nasawi.

Idinawit sa naturang insidente si San Miguel mayor Eric Tiongson, pero mariin niyang itinanggi ang alegasyon. – RRamos/ FRJ, GMA News
Go to comments

Tags: Bulacan