40 kph maximum speed sa EDSA, umani ng magkakaibang reaksiyon
Hati ang pananaw ng ilang kongresista sa Metro Manila kaugnay sa mungkahi ni Transportation and Communications (DOTC) Secretary Manuel Roxas II na limitahan sa 40 kilometers per hour (kph) ang takbo ng mga pampasaherong bus simula sa Marso 1. Sa magkakahiwalay na panayam, sinuportahan ni San Juan City Rep. Joseph Victor Ejercito, chairman ng House committee on Metro Manila development, ang mungkahi ni Roxas, habang may pag-aalinlangan naman sina Navotas Rep. Toby Tiangco at Valenzuela Rep. Magtanggol “Magi" Gunigundo. Paniwala ni Ejercito, makatutulong ang plano ni Roxas para mabawasan ang mga aksidente sa kalye lalo na sa mga barumbadong drayber ng bus. Nais din ni Bagong Henerasyon party-list Rep. Bernadette Herrera-Dy, na bigyan ng pagkakataon ang programa upang malaman kung magiging epektibo ito. “I hope it works because more often than not, buses really drive very fast that cause accidents and traffic all at the same time," anang kongresista na residente ng Quezon City. Para naman kay Tiangco, dapat magkaroon muna ng masusing pag-aaral sa paglilimita sa takbo ng mga bus bago ito ipatupad. Ang pananaw ni Tiangco ay suportado ni Gunigundo na nais malaman ang magiging epekto ng mas mabagal na pagbiyahe sa Metro Manila. “We need to check with the National Center for Transport Studies or NCTS if 40 kph maximum travelling speed for buses is applicable to all Metro Manila carriageways. Safety of passengers and predictability of travel time vis a vis distance should be major concerns in pegging speed limits," anang kongresista. Una rito, inihayag ni Roxas na magpapalabas ng memorandum circular ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa paglalagay ng speed limiters sa mga bus na nagkakahalaga ng P10,000 at gagastusan ng mga bus company. Dahil tila biglaan ang pagpapalabas ng programa, iminungkahi sa DOTC ni Zambales Rep. Ma. Milagros Magsaysay, deputy minority leader sa Kamara, na makipag-ugnayan at konsultahin muna ang mga bus operator bago ito ipatupad sa darating na Huwebes. “They should at least listen to the side of the bus operators. If they really need to reduce the speed limit, perhaps they can make it not too drastic as 40 kph at a major highway like EDSA is too slow," pahayag ng mambabatas. -- RP/FRJ, GMA News