Pro-RH bill congressmen, pinagninilay ngayong Semana Santa
Hinimok ng isang opisyal ng Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) ang mga kongresista na nagsusulong ng kontrobersiyal na reproductive health (RH) bill na magnilay ngayong Semana Santa. Ayon kay Rev. Fr. Melvin Castro, executive secretary ng Episcopal Commission on Family and Life ng CBCP, na may pagkakataon ang mga mambabatas na sariwain ang sakripisyo ni Hesus Kristo ngayon Kuwaresma. Sinabi ni Castro na dapat alalahanin at isapuso ng mga mambabatas ang ginawang sakripisyo ng Panginoon alang-alang sa kasagraduhan ng buhay ng tao na umano'y kikitlin sa RH bill. “Sana makita ito ng ating mga mambabatas na ang Diyos mismo ay ipinakita ang importansya ng buhay. Kaya nga nagbuwis Siya ng buhay para sa atin, para sa buhay natin," ayon sa alagad ng Simbahang Katoliko. “Sana makita natin ang aspektong iyon. Ganun kahalaga ang buhay sa Panginoon taliwas sa isinusulong ng RH bill," dagdag ni Castro sa panayam ng Radyo Veritas. Sa halip na isulong pa ang RH bill, iminungkahi ng pari na gumawa at magpasa na lamang ang mga kongresista ng mga panukalang batas na makatutulong para malutas ang kahirapan at kawalan ng trabaho sa bansa. “Ibuhos na lamang nila ang kanilang panahon sa paggawa ng mga batas at programa na tutugon sa 9.7 milyong Filipino na walang trabaho," giit ni Castro. Samantala, magpapatawag naman ng pulong balitaan sa Biyernes si Gabriela Partylist Rep. Luzviminda Ilagan, upang himukin ang mga kapwa mambabatas na pagbotohan na ang panukalang batas na matagal nang nakabinbin sa plenaryo. - MP/FRJ, GMA News