ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Test vote sa RH bill, tinutulan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi pabor ang Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa plano ng liderato ng Kamara de Representantes na magsagawa ng test vote sa kontrobersiyal na Reproductive Health (RH) bill. Nitong Miyerkules, sinabi ni CBCP President Archbishop Jose Palma, na hindi niya maunawaan kung bakit kailangang idaan sa test vote ang RH bill kung puwede namang isagawa ang totohanang botohan. Hinimok ng arsobispo ang mga mambabatas na sundin ang tamang proseso sa deliberasyon ng mga panukalang batas. Iginiit pa ni Palma na hindi lang ang Simbahang Katoliko ang tumututol sa RH bill. “The proponents of the RH bill were surprised with the ratio of 33 percent with 60 percent something in favor of the Church’s position. Some couldn’t believe that is the result of the text messages and so for us it’s a very encouraging response from people and it’s also a sign that’s not true that there is a lopsided response from people as if RH proponents are leading all along and that they are gaining ground," ayon sa arsobispo. Una rito, sinabi ni House Majority Leader Neptali Gonzales II na posibleng magsagawa sila ng test vote sa RH bill bago magbakasyon ang Kongreso sa Marso 21 para sa paggunita ng Semana Santa. Ang test vote ay maaaring isagawa sa paraan ng pagkuha ng boto kung dapat o hindi na dapat ituloy ang debate tungkol sa RH bill. Hinihinala naman ni Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr., na nais lamang ng mga pro-RH bill na madaliin ang pagsasara sa debate upang hindi na makapagsalita ang mga kontra sa panukalang batas. “Paano mo naman ipapasa ‘yan na talaga namang ang dami pang issues na dapat na malinawan ang taong bayan," pahayag ni Bacani sa panayam ng Radyo Veritas nitong Miyerkules. Iginiit niya na maraming mga panukalang batas ang higit na dapat pagtuunan ng pansin ng mga mambabatas kaysa RH bill. Samantala, suportado naman ni Albay Rep.Edcel Lagman at ng Philippine Legislators’ Committee on Population and Development Foundation, Inc. (PLCPD), ang plano na isalang na sa botohan ang panukala. “After 12 years of debate inside and outside the Halls of Congress, all relevant and even irrelevant questions had been asked and answered about the RH bill. There is absolutely no fresh argument or novel misconception against the bill," ayon kay Lagman, isa sa mga nagsusulong sa panukalang batas. Puna ni Lagman, bagaman marami ang kongresista na nagpalista na magsasalita tungkol sa RH bill, lumilitaw naman na marami sa mga ito ang absent kapag dumating ang araw na sila na ang magsasalita o magdadahilan na hindi sila handa. -- MP/FRJ, GMA News