Corona: Kinonsulta ako ni PNoy ukol sa Truth Commission
Ibinunyag ni Chief Justice Reanto Corona nitong Huwebes na inimbitahan siya ni Pangulong Benigno Aquino III sa isang pananghalian upang konsultahin ukol sa Truth Commission na naglalayong papanagutin si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa umano'y mga kalabisan nito. Sa isang panayam sa dwIZ radyo, sinabi ni Corona na naganap ang lunch-meeting sa bahay ng kapatid ng Pangulo na si Ballsy bandang Hunyo at Hulyo ng nakaraang taon. “Nag-usap kami. Tinatanong niya sa akin ano ba tingin mo kung ako ay magtatatag ng Truth Commission, habulin ang taong ito? Sabi ko, Mr. President, even at the time na na-snub niya ako sa Luneta, kako ako naman kung may ebidensya, ganon ang role namin sa judiciary... ituloy natin pero kailangan susunod tayo sa Saligang Batas at sa requirement ng batas,” ani Corona. Ayon pa sa punong mahistrado, nag-usap sila ng pangulo sa loob ng 30 minuto at nang matapos ay nagkamayan pa umano sila. "He [Aquino] was not extraordinarily friendly to me," ani Corona. Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema ang Executive Order No. 1 o ang pagtatatag ng Truth Commission. Ayon sa Kataastaasang Hukuman, nilabag umano ng EO ang “equal protection clause” ng Saligang Batas. Ayon sa Korte, pinupuntirya lamang ng EO ang mga eskandalong kinasasangkutan ni dating Pangulong Arroyo, dating boss ni Corona. Naging tagapagsalita at chief of staff si Corona ni Gng. Arroyo at ito rin ang nagtalaga kay Corona bilang punong mahistrado noong 2010. “'Yan ang hiling namin, huwag basta bara-bara, tira rito tira riyan. Isa lang ang sinasabi natin doon. Kaya lang ayaw nila i-amend ang EO,” pahayag ni Corona. Dagdag pa niya, “Sana binago na lang nila [ang EO].” Imbitasyon Idinetalye ni Corona na may isang retiradong hukom umano na lumapit sa kanya upang sabihing iniimbitahan siya ni Aquino sa isang pulong. Inilarawan ng punong mahistrado na malapit daw sa pangulo ang nag-imibta sa kanya. Ayon kay Corona, sinabihan umano siya ng dating hukom na: "Kinukumbida ka ni presidente, mag-usap daw kayo.” Dahil wala umano siyang drayber, nakisakay na lang umano siya sa dating hukom. Kasama raw sa nasabing pagpupulong si Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., ang retiradong hukom at ang Pangulo. "Pagkatapos mananghalian, tumayo si Executive Secretary at si Justice at nanigarilyo sa labas. Naiwan kami dalawa ni Presidente Noynoy,” ayon kay Corona. 'Term sharing' Ibinulalas din ni Corona na bukod sa naunang lunch-meeting, nakipagpulong din siya kay Senador Teofisto Guingona III na kilalang kaalyado ng Pangulo. Binanggit umano ng senador ang posibilidad ng “term sharing” ng punong mahistrado kay Justice Antonio Carpio. Hindi na umano niya matiyak kung kailan nangyari ang pakikipag-usap sa senador. Aniya, ang natatandaan lamang niya ay naganap ito bago pa siya ma-impeach. Noong Miyerkules, sinabi ni Corona na si Justice Carpio umano ang nasa likod ng planong pagpapatalsik sa kanya sapagkat inaasam umano nito ang kayang posisyon bilang punong mahistrado. Ayon kay Corona, nakatanggap umano siya ng tawag mula kay Guingona na dati niyang estudyante sa Ateneo Law School. Nag-usap umano sila sa bahay ng ama ng senador, si dating bise-presidente Teofisto Guingona Jr. "(Nag-propose) sa akin, what do you think about retiring early and sharing your term?... He mentioned specifically Justice Antonio Carpio. Malinaw ang sinabi niya – Justice Carpio," paglalahad nito. "Sabi ko sa kanya, labag sa Constitution 'yan, walang sinasabing term-sharing... Hindi legally possible yan,” dagdag pa ng punong mahistrado. Bago pa man diumano makasagot si Corona, nagpaalam na sa kanya ang senador: “sige may appointment pa ako." Samantala, kinumpirma ni Guingona nitong Huwebes na nagkaroon nga ng meeting sina Corona. Pero itinanggi niyang inalok niya ang punong mahistrado ng "term-sharing with Carpio." — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News