Mag-asawang pulitiko sa Pangasinan, patay matapos tambangan sa Maynila
Hindi na nakaligtas ang mag-asawang pulitiko sa Lingayen, Pangasinan na kapwa nasawi nang tambangan sila at pagbabarilin sa ikalawang pagkakataon sa Sampaloc, Maynila nitong Miyerkules ng gabi. Sa ulat ng pulisya, nasawi sa tama ng bala sa ulo ang mag-asawang Ramon at Zorayda Arcinue. Si Ramon ay dating bise alkalde ng Lingayen, habang kapitana naman ng Brgy Poblacion si Zorayda. Nasa Maynila umano ang mag-asawa para ipagdiwang ang pagpasa sa Bar exam ng kanilang anak. Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na kababalik pa lang ng mag-asawa sa kanilang tinutuluyan sa Maceda St sa Sampaloc nang lumapit ang isang suspek at pagbabarilin sila sa ulo. Sa ulat ng GMA news 24 Oras nitong Huwebes, sinabi ng isang saksi na si Zorayda ang unang binaril ng suspek at isinunod si Ramon na posibleng nakipagbuno pa umano sa salarin. Anggulong pulitika ang nakikitang motibo sa krimen dahil minsan na umanong tinambangan ang mag-asawa sa Binmaley, Pangasinan noong Marso 2011, ayon kay SPO2 Edmund Cabal ng Manila Police District. Sa isang ulat ng Philippines News Agency noong 2011, sinabing kapwa nasugatan ang mag-asawa nang tambangan ang mga ito sa Binmaley ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo. — FRJ, GMA News