‘Spreading dirt’ tactic ni Corona, binatikos ng Palasyo
Kinumpirma ng Palasyo noong Huwebes ang pagkikita nina Pangulong Benigno Aquino III at Chief Justice Renato Corona noong Hulyo ng nakaraang taon, ngunit pinabulaanan nito na napag-usapan nila ang tungkol sa Truth Commission, na naglalayong papanagutin ang dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa umano'y mga kalabisan nito. Sa isang press briefing, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na si Edwin Lacierda na nagkaroon nga ng pagpupulong noong Hulyo 2010 si PNoy at Corona subalit ang pinag-usapan umano ng dalawa ay ang mga repormang gustong ipatupad ng Pangulo sa Hudikatura. “Totoo pong nakipagdiyalogo noong Hulyo 2010 si Pangulong Aquino kay Ginoong Corona para sa nag-iisang paksa: ang paglalatag ng kaniyang mga kinakailangang reporma upang isaayos ang mga lubak sa ating sistemang pangkatarungan,” ani Lacierda. Ayon pa kay Lacierda, ang naturang meeting umano ay iminungkahi ng isang retiradong hukom. Hindi na pinangalanan ni Lacierda kung sino ito. “Nagkaroon sila (Aquino and Corona) ng palitan ng opinyon at kuru-kuro sa iba't ibang paksa kung paano higit na mapapatibay ang ugnayan ng Ehekutibo at Hudikatura," giit ni Lacierda. Ang mga pahayag ni Lacierda ay bilang sagot sa allegasyon ni Corona na kinunsulta umano siya ng Pangulo ukol sa Truth Commission, na inatasang imbestigahan ang mga umano'y kabulastugang nangyari sa ilalim ng Administrasyong Arroyo. Sa ilalim ng pamamahala ni Corona, ibinasura ng Korte Suprema ang Executive Order No. 1 o ang pagtatatag ng Truth Commission. Ayon sa Kataastaasang Hukuman, nilabag umano ng EO ang “equal protection clause” ng Saligang Batas. Sa kasalukuyan, humaharap si Corona sa impeachment trial sa Senado. Kasama sa mga akusasyon sa kanya ay ang pagkiling umano nito kay dating Pangulong Arroyo. Si Gng. Arroyo ang nagtalaga kay Corona bilang hukom sa Korte Suprema noong 2002, at bilang punong mahistardo noong 2010. Dagdag pa ni Lacierda, itinanggi rin ni Executive Secretary Paquito Ochoa Jr., na kasama sa naturang meeting, ang paratang ni Corona na pinag-usapan ang Truth Commission. “I spoke to Executive Secretary, he doesn’t recall (the President) asking advice from the Chief Justice on that point,” ani Lacierda. Maayos na pagtatapos ng pulong Sa pagdedetalye pa niya, sinabi ni Lacierda na nagkaroon umano ng deretsahang kuru-kuro sa pagitan ni Aquino at Corona. Nangako pa umano ang punong mahistrado na magiging patas at makatarungan ang Korte Suprema sa mga magiging desisyon nito. “In fact, the President mentioned that the meeting ended pleasantly,” ayon pa kay Lacierda. Ngunit, ayon sa tagapagsalita ng pangulo, mukhang ang mga naunang pahayag ni Corona ay may halong pamumulitika at “bad faith.” “[Corona] wanted to make it appear that there was something wrong. He’s trying to obfuscate the main issue. He is trying to spread dirt. He knows that the issue is very simple. What he wants to do is complicate and muddle the issue. That’s a standard strategy of the defense,” ayon kay Lacierda Dagdag pa nito, maka-ilang ulit din umanong sinubukan ng Pangulo na paglapitin ang Palasyo at Hudikatura, at kabahagi ang naturang pulong sa hakbang na ito. Sa ilang insidente pa nga raw, ayon kay Lacierda, nagsusumikap umanong makipag-usap ang Pangulo kay Corona subalit pawang mga walang ganang kasagutan lamang ang nahihita nito mula sa punong mahistrado. “He [Aquino] tried to spark a conversation but every time he does that, he gets a very, very curt response from the Chief Justice,” ani Lacierda. Ipinaliwanang din ni Lacierda na nakipag-usap lamang si Aquino kay Corona sapagkat gusto nitong magkaroon ng magandang relasyon sa punong mahistrado. Gusto rin umanong tiyakin ng Pangulo na walang personalan ang hindi pagbati ni Aquino sa punong mahistrado noong inagurasyon nito sa Luneta. Ayon pa kay Lacierda, ang retiradong hukom na nagsangguni ng pagpupulong ay gusto lamang na pagtibayin ang relasyon ng dalawa sapagkat ang presidente raw ay “very vocal in his opposition on the appointment of Corona.” “Dahil dito, isinantabi ng Pangulong Aquino ang anumang agam-agam niya kay Ginoong Corona. Sa katunayan, binigyan po siya ng Pangulo ng pagkakataong patunayan na wala siyang kinikilingan, katotohanan lamang ang kaniyang pinapanigan, at interes lamang ng nakararami ang mananaig,” dagdag ni Lacierda. Nag-iba umano ang pagtingin ng presidente kay Corona nang pinagbigyan ng Korte Suprema ang hiling ni Gng. Arroyo na temporary restraining order laban sa watch list order na naunang ipinataw laban sa dating pangulo. “At nang naglabas si Ginoong Corona ng TRO na muntik nang magpatakas kay Ginang Arroyo, naging lantaran ang pagdududang hindi interes ng publiko ang inuuna ng punong mahistrado, kundi ang pagtatanggol kay Ginang Arroyo,” ani Lacierda. Hindi rin umano pabor kay Corona ang mga ginagawa nitong pagpapapogi gamit ang media dahil mas nakikita raw ng mga tao ang mga paiba-ibang pahayag ni Corona. “The media blitz works to our advantage. All the inconsistencies are now being noticed by the media, by the senator-judges and the public,” sabi pa nito. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News