Not guilty plea, inihain ng 2 suspek sa pagkamatay sa hazing San Beda law student
Naghain ng "not guilty" plea ang dalawang suspek sa pagkamatay sa hazing ng isang freshman law student ng San Beda College. Ayon sa ulat ng “News To Go” ng GMA, inihain nina Eric Castillo at Boodjie Yap sa sala ni Judge Miguel Asuncion ng Antipolo City Regional Trial Court Brach 97 ang kanilang plea. Itinuro ang dalawa na pangunahing suspek sa pagkamatay ng 25-anyos na si Marvin Reglos. Kasong "murder in accordance with the Anti-Hazing Law" ang hinaharap nina Castillo at Yap, parehong miyembro ng Lamda Rho beta fraternity. Inaresto ang dalawa matapos dalhin ang biktima sa Unciano Medical Center sa Antipolo City. Nawalan umano ng malay si Reglos dahil sa isinagawang hazing noong ika-19 ng Pebrero sa isang resort sa nasabing siyudad. Sinasabing “neophyte” pa lamang si Reglos dahilan upang isinailalim siya sa ‘initiation rites’ ng nasabing fraternity. Namatay umano ang biktima dahil sa mga bugbog na natamo mula sa hazing. Nangakong makipagtulungan ang pinuno ng fraternity na si Grand Rhoan Eduardo Escobal II sa imbestigasyon ng kaso, subalit nang malaon ay itinuring din siya bilang suspek. Napag-alamang kotse ni Escobal ang ginamit sa paghatid kay Reglos sa ospital. Bukod kay Escobal, 12 miyembro pa ng grupo ang sinampahan ng kasong murder at paglabag sa Anti-Hazing Law. Sa isang naunang pahayag, sinabi ni Justice Secretary Leila De Lima na lahat ng mga nakasama ni Reglos sa ‘initiation rites’ noong Pebrero 18 hanggang 19 ay sasampahan ng kaukulang kaso. — Rouchelle R. Dinglasan /LBG, GMA News