3 katao patay, 2 sugatan: 2 sasakyan, sinagasa ng dump truck sa Bulacan
Nauwi sa madugong aksidente ang pagpatol umano ng isang lalaki sa isang bata sa Pulilan, Bulacan, kunsaan tatlo katao ang nasawi at dalawang iba pa ang malubhang nasugatan. Ayon kay Superintendent Manuel Santos, hepe ng pulisya ng Calumpit, nag-ugat ang insidente nang batuhin umano ng suspek na si Romnick Aguilar ang batang si Renza Daban, 5-anyos, sa Brgy. Dampol Pulilan, dakong 6:00 p.m. noong Huwebes. Nakita ito ng mga residente sa lugar at tinangkang kumprontahin si Aguilar. Subalit kaagad na sumakay si Aguilar sa kanyang minamanehong dump truck (RKK-243) kasama ang tatlong iba pa at umalis. Ngunit hinabol sila ng mga residente kabilang si Danny Balmaceda, na nagmaneho ng isang forward truck na may plakang XCR-227. Tinangka umano ni Balmaceda na i-overtake ang dump truck pagdating sa Brgy. Caniogan, Calumpit, sa pag-aakalang ihihinto ni Aguilar ang minamanehong trak ng basura. Pero sa halip na agad na huminto, sinagasa nito ang Forward truck at nahagip ang isa pang tricycle. Sa nangyaring aksidente, nasawi si Aguilar, si Ramil Anade, nakasakay sa Forward truck, at si Avelino Cartago, driver ng tricycle. Sugatan naman si Balmaceda at si Alfredo Aguilarna. Ayon sa ilang saksi, tumakas ang tatlo pang kasama ni Aguilar matapos ang sakuna. Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng pulisya. – RRamos/FRJ, GMA News