Singil sa VAT, nais nang tapyasin ni Recto
Nais ni Senador Ralph Recto na ibalik na sa 10 percent ang sinisingil na Value Added Tax (VAT) sa ilang bilihin (kasama ang mga produktong petrolyo) na kanyang ipinataas sa 12 percent noong 2004. Sa panayam ng media sa Senado nitong Martes, iginiit ni Recto na isinulong niya noon ang reformed-VAT dahil kailangan ng karagdagang kita ng naghihingalong ekonomiya ng bansa. “Malubha ang sakit natin nung 2004, yung pasyente kailangan ng mapait na gamot, eto na ngayung VAT. Gumagaling na yung pasyente, pwedeng mabasan na yung mapait na gamot," paliwanag ng senador, chairman ng Senate Committee on Ways and Means. Bagaman naihain na ni Recto sa Senado ang panukalang batas para mabawasan na ang singil sa VAT, kailangan na magkaroon ito ng bersiyon sa Kamara de Representantes, at suporta rin ng Malacanang. Gayunman, tutol naman ang senador na tuluyang alisin ang buong VAT sa mga produktong petrolyo gaya ng panawagan ng ilang militanteng grupo sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis. Pamalit sa 2 percent Patuloy ni Recto, ang mawawalang two percent sa kita ng VAT ay maaari umanong punan sa kita mula sa Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pagcor), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Malampaya gas project. "The funds from these three are sufficient enough to pay for the lost revenues," ayon sa senador. Sa pagtaya ni Recto, aabot sa P45 bilyon ang gross income ng Pagcor ngayong taon, habang umabot naman sa P31 bilyon ang kinita ng PCSO noong 2011. Samantala, ang share ng pamahalaan mula sa Malampaya ay umabot na umano sa P200.4 bilyon muna nang mag-operate ito noong 2002. Aminado naman siya na walang garantiya na bababa ang presyo ng mga produktong petrolyo kahit pa maibaba sa 10 percent ang VAT sa langis. -- RE/FRJ, GMA News