Burol ni Karl Roy, bubuksan sa publiko; 1 pang alagad ng musika, pumanaw sa US
Nagluluksa ang industriya ng musika sa pagpanaw ng dalawa nilang miyembro – ang Pinoy Rock Icon na si Karl Roy at ang singer/song writer na si Bojie Dasig na nagpasakit sa awiting “Sana Dalawa Ang Puso Ko." Sa GMA News TV State of the Nation nitong Martes, sinabing hiniling muna ng pamilya ni Karl na maging pribado para sa kanila ang araw na ito. Pumanaw si Karl, 43-anyos dahil sa cardiac arrest nitong madaling-araw ng Martes. Unang nakilala si Karl sa bandang P.O.T. kung saan pinasikat nila ang awiting “Yugyugan Na." Naging frontman din siya ng bandang Kapatid at Advent Call. Noong 2007, nawala sa sirkulasyon ng musika si Karl nang ma-stroke. Matapos dumaan sa therapy, nakabalik siya sa sirkulasyon at muling nasaksihan ng publiko sa ilang concert. Simula sa Miyerkules ay bubuksan na umano sa publiko ang burol ni Karl sa Mt Carmel Church sa New Manila. Samantala, iniulat na pumanaw naman sa US ang singer/song writer na si Bodjie, na naging vocalist ng bandang Bodjie’s Law of Gravity na nagpasikat sa awiting, “Sana Dalawa Ang Puso Ko" noong 1990’s. “Confirmed: Bodjie Dasig, songwriter of ‘Sana Dalawa ang Puso Ko,’ husband of Odette Quesada passed away today too. OPM just lost two greats," nakasaad sa Twitter account ni Jim Paredes ng grupong Apo Hiking Society. Sa Amerika na naninirahan ang mag-asawang Bodjie at Odette. Sa ulat ng SONA, sinabi ni Paredes na hindi mahalaga kung ilan ang naiwan kanta ng isang artist, ang mahalaga umano ay sinulat nito ang soundtrack ng buhay ng Pilipino, na siyang pinakamalaking kontribusyon ng isang artist sa lipunan. “Mayroon naman silang iiwan sa atin na mga kanta, the songs, yung art nila will live on," pahayag naman ni Basil Valdes. - FRJ, GMA News