Madulas na kalsada, idinahilan sa 3 banggaan ng mga sasakyan sa Bataan
Tatlong insidente ng banggaan ng mga sasakyan ang naganap sa magkakahiwalay na lugar sa Balanga City, Bataan nitong Martes ng umaga. Kapwa isinisisi sa madulas na kalsada bunga ng pag-ulan ang aksideteng nangyari sa Roman Superhi-way at sa MacArthur Highway. Mapalad na walang malubhang nasaktan sa naturang sakuna. Sa unang aksidente, nawasak ang unahan ng maliit na dump truck na bumangga sa kasalubong na malaking dump truck sa Roman Superhi-way sa bahagi ng Brgy San Jose. “Nag-lock ang preno ko at umislide ang gulong sa basang kalsada kaya nabangga ko ang kasalubong kong dump truck," paliwanag ni Rolando Triste ng Orion, Bataan. Nabasag naman ang salamin ng bintana at nayupi ang ilang bahagi ng malaking dump truck na minamaneho ni Ernesto Villafuerte ng taga-Orani, Bataan. Ang sumunod na aksidente na naganap sa Roman Superhi-way sa Brgy Tuyo, Balanga City, ay kinasangkutan naman ng KIA van na minamaneho ni Leovetico Alcantara ng Taal, Batangas at Toyota Avanza na pinapatakbo ni Dr. Salvador Sison ng Quezon City. Isang kotse at isang trycicle naman ang sangkot sa ikatlong aksidente na naganap sa MacArthur Highway sa Brgy Ibayo sa bayan ng Balanga. Mahigpit naman ang payo ni Supt. Melecio Buslig, Balanga City police chief, sa mga motorsita na ibayong pag-iingat sa pagmamaneho lalo na kapag madulas ang kalsada. --Ernie Esconde/FRJ, GMANews