GMA News Online Ulat Filipino » Balitang Pinoy

Mga turista, dagsa na sa Palawan, ayon sa obispo

March 14, 2012 8:41pm

Tags: Palawan
Lalo umanong dumami ang mga turistang bumibisita sa Palawan mula nang maideklarang kasama sa 7 Wonders of Nature ang Underground River sa Puerto Princesa.

Gayunman, sinabi ni Puerto Princesa Bishop Pedro Arigo na maraming turista ang hindi pa nakakaalam na kailangang magpatala muna sila bago pumunta sa lalawigan upang mapasyalan ang ipinagmamalaking underground river ng bansa.

“Tambak ang turista rito sa Palawan, apparently ay hindi masyado pang-organize lalo na sa underground river. Para makapasok ka ay kailangang mag-book nang at least two weeks in advance," paliwanag ng obispo sa panayam ng Radio Veritas nitong Miyerkules.

Ang mga hindi umano nakakaalam ng patakaran ay humihingi ng kaukulang permit at inaabot ng tatlong araw sa lalawigan bago mabigyan ng pagkakataon na mabisita ang underground river.

“Hihingi sila ng permit at maghihintay sila ng three days kaya wala silang choice kundi tumira muna sa Palawan dahil masasayang ang kanilang adhikain na makita ang kagandahan ng underground river," pahayag ni Arigo.

Sa lalo pang pagsigla ng turismo ng Palawan, inihayag naman ng Obispo ang pagtutol na magkaroon ng pagmimina sa lalawigan.

“Alam natin na extractive ang mining at hindi ito renewable. At ang damage sa environment ay irreversible na kahit sabihin na nire-rehabilitate ay hindi pa rin ito maibabalik ang dating ganda nito. Ang mining ay iresponsable," giit ng Obispo.

Idinagdag pa ni Arigo na hindi sapat ang benepisyo na nakukuha sa pagmimina kung ikukumpara sa pangkalahatang epekto nito sa tinatawag na social at environmental cost.

Kabilang sa mga tinukoy niya na natatamaan at napipinsala sa mga lugar na may nagaganap na pagmimina ay mga mangingisda, magsasaka, katutubo at karaniwang tao. - MP/FRJ, GMA News

Tags: Palawan