4 bus company, iniimbestigahan dahil sa pagpapalabas daw ng malaswa at marahas na panoorin sa bus
Apat na bus operator na biyaheng EDSA (Epifanio de los Santos Avenue) ang iniimbestigahan matapos ireklamong nagpalabas umano ng mga malalaswa at bayolenteng panoorin sa kanilang bus habang bumibiyahe. Ang imbestigasyon na ginagawa ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB), ay nakatutok sa Malanday Metro Link, Cher Transport, Baclaran Metro Link at Victory Liner. Sa panayam sa telepono ng GMA News Online nitong Miyerkules, sinabi ng isang legal officer ng LTFRB, na iniimbestigahan ang mga bus operator dahil sa posibleng paglabag ng mga ito sa isang Memorandum of Agreement na pinasok nila sa LTFRB at MTRCB. Ang MOA ay nilagdaan noong Marso 12, 2011 na naglalayong protektahan ang mga pasahero – lalo na ang mga bata – kontra sa malalaswa at marahas na palabas. Hindi naman kasama sa kasunduan ang usapin ng copyrights ng mga piniratang pelikula dahil ito ay nasasakop na umano ng Optical Media Board. Sa ilalim ng nabanggit ng MOA, parurusahan ang mga drayber at operator ng bus na mapatutunayang nagpalabas ng malalaswa at marahas na palabas sa mga pampublikong sasakyan. Sa unang paglabag sa nasabing kasunduan, sinabi ng MTRCB sa isang pahayag na sususpindihin ang lisensya ng drayber at pagmumultahin ang operator ng P3,000. Sa ikalawang paglabag ay itataas ang multa sa P6,000, at maaaring humantong sa pagtanggal sa prangkisa ng operator sa ikatlong paglabag. Ayon pa sa MTRCB, mula nang ipatupad ang kasunduan, nakatanggap na sila ng 29 na sumbong mula sa mga ‘undercover agents’ at nagmamalasakit na publiko tungkol sa mga bus na nagpapalabas ng malaswa at marahas na panoorin. Karamihan sa mga naireport na bus ay bumibiyahe sa EDSA. Sinabi ni Atty. Eric Mallonga, board member ng MTRCB, na tanging mga panoorin lamang na may rating na General Patronage (GP) at Parental Guidance (PG) ang maaaring ipalabas sa mga pampublikong sasakyan. Sa mga may reklamo sa mga panooring ipinalabas sa mga pampublikong sasakyan, maaaring tawagan ang MTRCB sa telepono bilang 376-7380, o cellular phone bilang 09209492459 at 09209492460. -- Rouchelle R. Dinglasan/FRJ, GMA News