Enrile, nagpasalamat sa mataas na approval rating na nakuha
Napasalamat si Senate President Juan Ponce Enrile nitong Huwebes sa naging resulta ng pinakahuling survey na nagpapakita na siya ang ikalawang pinagkakatiwalaan na government official sa bansa. "Salamat sa Diyos... nagpapasalamat ako sa taongbayan na binigyan ako ng pagkakataon na mapansin nila," ani Enrile sa isang panayam. Sa pinakahuling Pulse Asia survey, nakakuha ng 71 percent approval rating si Enrile, sumusunod sa 84 percent na nakuha ni Vice President Jejomar Binay. Samantala, nasa ikatlong pwesto naman si Pangulong Benigno Aquino III na nakakuha ng 70 percent. Tumanggi namang magkomento ni Enrile na mayroong kinalaman ang nakuha niyang rating sa kanyang pamumuno ng impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona. "Hindi ko alam, ginagawa ko lang ‘yung nalalaman ko bilang abugado at ‘yung aking pagtingin sa dapat na katarungan na gagamitin natin sa paglilitis na ganyan patas-patas lang. Wala ako kinikilingan, wala akong amo, at kagaya ni Presidente, wala akong amo kundi ang bayan," aniya. Parang ice cream Inihalintulad ni Enrile, 88, ang kanyang mataas na approval rating sa kasikatan ng ice cream. "Kung minsan matigas, kung minsan malambot. Kung minsan natutunaw pero hindi dahil natutunaw [ay] masama kang tao o masama ang serbisyo mo," aniya. Giit ng beteranong pulitiko, sa kanyang political career, natawag na siyang demon, dictator, at murderer. Ipinagtanggol naman niya ang mas mababang rating na nakuha ni Aquino. Aniya, maasahan ang rating na ito mula sa isang sikat na pinuno. "Lahat ng presidente nag-uumpisa ng mataas ang kanilang rating kaya [nga] sila nahahalal mataas ang rating nila," ani Enrile. Inihalimbawa niya ang kaso ng yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos, na isang sikat na pinuno ngunit napababa sa pwesto sa pamamagitan ng mass uprising. "President Marcos probably had one of the highest ratings when he was first elected, then pababa, pababa pababa, pababa, pababa hanggang dumating ang araw bumaba na talaga... wala na magagawa, pati siya bumaba na," ani Enrile, na nagsilbing defense minister noong Marcos regime. Ngunit, kasama ni dating Armed Forces of the Philippines vice chief of staff Fidel V. Ramos, kumalas siya mula sa Marcos administration noong 1986 at naging isa sa mga pinuno sa makasaysayang EDSA People Power uprising. "Ganyan ‘yan... especially when you are the center of power... You have to make decisions everyday and the decisions are not ordinary ones. You cannot please all the people. Whenever you make a decision there are people who are unhappy and you just pray that your decision is right," ani Enrile. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News