Brgy chairman, patay nang maaksidente dahil sa umano'y kambing na tumawid sa kalsada
Patay ang isang kapitan ng barangay sa Binmaley, Pangasinan nang maaksidente ito sa kanyang minamanehong motorsiklo dahil umano sa isang kambing na biglang tumawid sa kalsada. Lumitaw sa imbestigasyon na bibili sana ng pagkain para sa alagang manok ang biktimang si chairman Gerry Soriano ng Brgy Tombor, Binmaley, nang maaksidente ito sa National Highway sa bahagi ng Brgy Camaley. Nawalan umano ng kontrol sa motorsiklo si Soriano nang biglang may kambing na tumawid sa kanyang dadaanan at bumagsak ang biktima sa semento. Dahil walang suot na helmet, nabagok ang ulo ng kapitan na sanhi ng kanyang pagkamatay. Pag-amin ng misis ni Soriano, hindi sanay na magsuot ng helmet ang kanyang asawa. “Hindi, diyan lang sa Dapit-ilog," pag-alaala ni Gng Lilibeth Soriano sa naging tugon ng kanyang mister nang payuhan niya itong mag-helmet. “Mag-helmet ka nga kako eh. Bumalik (siya) yinakap ako nang mahigpit." Nagpaluto pa umano ng masarap na ulam at naglambing pa si chairman Soriano sa kanyang maybahay bago umalis ng bahay na siyang huli nilang pag-uusap. Naisugod pa sa pagamutan ang kapitan pero binawian din ito ng buhay. “Sinabi po ng attending physician po niya (chairman Soriano), na nakainom daw po si Kapitan," ayon kay PO2 Jonathan Manuel, imbestigador ng Binmaley police station. Pangalawang termino na ni Soriano bilang lider ng barangay sa kanilang lugar. Nakatakda siyang ilibing sa Sabado. – Shiela/Jhing/ FRJ, GMA News