Ika-17 beses ngayong 2012: Lalaki sa Cebu, tuloy ang panata na magpapako sa krus
Sa darating na Biyernes Santo, muling magpapako sa krus ang isang lalaki sa Cebu para tuparin ang kanyang panata at magkaroon ng katuparan ang kanyang hangarin na maipagawa ang kapilya sa kanilang lugar. Sa ulat ng Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Martes, sinabing ika-17 beses na pagpapako sa krus ang gagawin ni Gilbert Bargayo ngayong taon. Sinimulan umano niya noong Marso 1 ang preparasyon sa gagawing panata sa pamamagitan ng pag-aayuno. Ito raw ay bahagi ng proseso ng kanyang paghahanda para linisin ang kanyang isipan at kaluluwa sa pagsasadula sa ginawang pagsasakripisyo ni Hesus para sa sanlibutan. Tatlong taon ding inihinto ni Bargayo ang pagpapako para umano makapagpahinga. Ginamit din niya itong pagkakataon para makahanap ng sponsor na sasagot sa kanyang mga gagamitin sa penitensiya gaya ng krus, bayad sa emergency team at iba pang kakailanganin. Ngayong taon, mas handa na raw siya. Mayroon din umanong nangako ng tulong na magpapatayo ng kapilya kung magpapako muli siya sa krus. Ipinakita ni Bargayo ang mga gagamitin niya sa pagpapako sa krus sa Semana Santa gaya ng pako, martilyo, at koronang tinik Sinabi niya na hindi siya titigil sa pagpapako hanggat hindi niya nakakamit ang kanyang panata na maitayo ang kapilya sa kanilang lugar. – FRJ, GMA News