Plastic, ipinagbabawal na sa Bulacan
MALOLOS CITY— Bawal na ang pagbebenta at paggamit ng plastic sa Bulacan. Ito ang nilalaman ng Panglalawigang Ordinansa Bilang 2012-09 na nilagdaan ni Gob. Wilhelmino Alvarado noong Lunes. Paritkular na ipinagbabawal ng ordinansa ang paggamit ng non-biodegradable plastic bags, Styrofoam at mga kauri nito bilang mga packaging material, bukod sa nagtatakda ng multa P5,000 o pagkakabilanggo ng isang taon sa sinumang lalabag. Ayon kay Alvarado, ang nasabing ordinansa ay isang malinaw na hakbang sa pangangalaga ng kalaikasan ng Bulacan para sa susunod na salinlahing Bulakenyo. Namana natin sa ating mga ninuno ang ating kalikasan ngayon, kaya tayo naman ay may responsibilidad na pangalagaan ito para sa susunod na henerasyon,” ani ng Punong lalawigan. Binigyang diin niya na ang ordinansa ay agad na ipatutupad matapos maipagtibay ang implementing rules and regulations (IRR) nito. Ang ordinansa ay pinagtibay ng Sangguniang Panglalawigan halos anim na buwan matapos lumiham si Alvarado upang lumikha ng batas na nagbabawal ng paggamit ng mga plastic bag sa mga palengke sa lalawigan. Ngunit ang liham ni Alvarado ay pinalawak ng Sanggunian upang ang batas ay naipatupad sa 569 barangay sa lalawigan. Ayon kay Bokal Felix Ople, ang may akda ng ordinansa, ito ay naglalayon na maipakita sa sinumang mamamayan hindi lamang sa mga taga-Bulacan na ang lalawigan ay ganap na huwaran, nagpapahalaga, at nagmamalasakit sa kapaligiran at kalikasan. Iginiit pa niya na layunin din ng ordinansa na makapagbigay ng kaalaman, at mapukaw ang kamulatan ng mga opisyal ng pamahalaan at mamamayan sa pinsalang maaring idulot sa patuloy na paggamit ng plastic. “We need to control and regulate use of plastics to maintain balance in ecology,” ani Bokal, anak ni yumaong dating Senador Blas F. Ople. Ipinaliwanag niya na sa mahabang panahon, ang mga plastic at Styrofoam ay natukoy bilang sanhi ng pagbabara ng mga kanal, sapa at ilog sa lalawigan na nagbubunga ng mga biglaang pagbaha. Kaugnay nito, ipinatutupad na ng SM Supermalls sa Baliuag at Marilao ang no-plastic policy sa kanilang mga food court. Ayon kay Beverly Bernardo-Cruz, ang public relations specialist ng SM City Baliuag, mula noong Marso 15 ay sinimulan na ng kanilang mga mall tenant ang paggamit ng paper bags. “It is in anticipation for the ban on plastics in the province and partly because SM Supermalls have our own green program,” ani Bernardo-Cruz. Sinabi niya na bago mapagtibay ang nasabing ordinansa ay inimbita sila ng Sangguniang Panglalawigan para sa isang konsultasyon. Par kay Bernardo-Cruz, umaayon sa kanilang kampanyang SM Cares program ang nasabing ordinansa. Bukod sa nasabing kampanya, nagsasagawa rin ang SM Supermalls ng program para sa recycling na tinaguriang “trash to cash recycling”, at ang reusable green bag program. — Rommel Ramos /LBG, GMA News