PNoy, suportado ang Pinoy version ng iTunes na OPM2Go
Hinikayat ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang publiko na suportahan ang itinatag na online music store ni Ogie Alcasid na 'OPM2Go', kunsaad puwedeng i-download ang mga awiting Pinoy. Ang OPM2Go ay Pinoy version ng iTunes kung saan puwedeng i-download naman ang mga dayuhang kanta. Sa paglulunsad ng OPM2Go, layunin ni Ogie, presidente ng Organisasyon ng mga Pilipinong Mang-aawit (OPM) na tulungang maibangon ang Pinoy music industry. “Panahon na para gawin natin yung transition from CD to MP3 download. Kasi ang CD market natin pababa na nang pababa, namamatay na halos. So, ito na yung pagkakataon natin na yung downloadable music may access na ang Filipino consumer," paliwanag ni Ogie sa isang panayam. Sa Malacanang, kinondena ni Aquino sa kanyang talumpati ang pamimirata sa mga musika na nag-aalis ng kabuhayan sa mga Pinoy na nasa music industry katulad ng mga kompositor at mang-aawit. “Wala silang kinikita. Ang masakit pa po rito, alam din nating kasabay ng talento, puspusang dedikasyon ang kanilang ibinubuhos upang maibahagi sa atin ang kanilang mga awitin," pahayag ng pangulo sa paglulunsad ng OPM2Go nitong Miyerkules. “Kapag hindi natin binigyan ng sapat na insentibo ang mga musikero, baka ipagpalit nila ang gitara at panulat para sa mga trabahong sisigurong may maihahain sila sa kanilang mga hapag," dagdag pa ni Aquino na aminadong mahilig sa musika. Nagbabala ang pangulo na darating ang panahon na mababawasan kundi man tuluyang mawawala ang mga musikang lilikhain ng mga Pinoy kapag nagpatuloy ang pagtangkilik sa pamimirata ng mga OPM song. Ang bawat OPM song ay maaaring ma-download sa OPM2Go.com sa halagang P10 hanggang P15. – FRJimenez, GMA News