ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Renewable energy itatampok sa Earth Hour 'switch off' sa Bulacan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

MALOLOS CITY — Tatampukan ng mga bombilyang solar powered ang taunang pagdiriwang ng Earth Hour sa isang mall sa Bulacan Sabado ng gabi. Ang mga bombilya ay paiilawin ng dalawang solar panels na may tigti-12 volts. Ayon kay Beverly Bernardo-Cruz, public relations specialist ng SM Baliuag City, ang mga solar panel ay ikinabit na ng Solartech Enterprises bilang paghahanda sa nalalapit na pagdiriwang. Bilang pakikiisa sa Earth Hour "switch-off" sabay-sabay na papatayin ang mga ilaw mula 8 p.m. hanggang 9 p.m. Sinabi niya na ang solar-powered light bulbs na matatagpuan sa parking lot ng mall ay paiilawin kapag pinatay ang mga ilaw na gumagamit ng kuryente. Binigyang diin niya na ito ay isang hakbang upang maipakita sa mga Bulakenyo ang kahalagahan ng renewable energy tulad ng solar power. “Marami na ang naririnig tungkol sa renewable energy, pero hindi pa nakikita ng mga tao kung talagang magagamit ito kaya may duda ang ilan. This time, we will show them that solar energy really works,” ani Bernardo-Cruz. Iginiit pa niya na plano na rin ng mall na magpakabit ng mga solar panel pagkatapos ng paggunita sa Earth Hour bilang bahagi ng kanilang pagtitipid sa kuryente. Kaugnay nito, inaasahan na muling dadagsa ang mga Bulakenyo sa pagsasagawa ng Earth Hour. Noong nakaraang taon, mahigit na 1,000 Bulakenyo kabilang mga mag-aaral at kasapi ng ibat-ibang grupo ang lumahok sa Earth Hour. Bukod naman sa pagtitipid sa kuryente, ipinagmalaki ng SM City Baliuag ang ibat-ibang makakalikasang pamamaraang ginagamit sa mall. Kabilang dito ay ang paggmit ng green architrecture kung saan ay nagpakabit sila ng malalaking bintana para paliwanagin ng sikat ng araw sa loob ng mall. Ayon kay Architect Andrew Cristobal, ang mall manager ng SM City Baliwag, patuloy din ang kanilang programang thrash to cash at kampanya sa paggamit ng reusable bags. Sinabi rin niya na ipinatutupad na nila ang no-plastic-policy ng probinsya sa foodcourt ng mall kung saan ang plastic cups at bags ay pinalitan na ng paper cups at bags. Ayon kay Cristobal, ito ay pakikisa nila sa pinagtibay na panglalawigang ordinansa na nagbabawal sa paggamit ng plastic sa Bulacan. — Rommel Ramos /LBG, GMA News