Tabloid reporter, patay nang manlaban sa grupo ng mga kabataang kawatan sa Rizal
Patay sa saksak ang isang mamamahayag matapos siyang manlaban sa grupo ng mga kabataan na nagtangka umanong kumuha ng kanyang motorsiklo at pitaka sa Antipolo, Rizal. Sa ulat ng dzBB radio nitong Sabado, kinilala ang biktima na si Edwin Perez, reporter sa pahayagang People's Balita, residente ng Barangay San Jose, Antipolo City. Dalawa naman sa limang suspek ang nadakip na kinabibilangan umano ng mga minor de edad. Isa mga nadakip ay kinilalang si Benedicto Leco, 18-anyos. Pinaghahanap din ang isang nagngangalang Jerry at dalawa pang minor de edad. Sa paunang imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nagpalipas ng malakas na buhos ng ulan si Perez at nakatulog sa isang panaderya sa Antipolo nitong Biyernes ng gabi. Kasunod nito ay limang suspek ang lumapit sa biktima at pilit na kinukuha ang kanyang wallet at susi ng motorsiklo. Nanlaban umano si Perez pero hindi niya kinaya ang dami ng mga suspek na bumugbog at sumaksak sa kanya. – FRJ, GMA News