ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PNP chief umatras sa mungkahing ibalik ang death penalty


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Hindi na ipipilit ni Philippine National Police chief Director General Nicanor Bartolome ang mungkahi niyang ibalik ang death penalty sa bansa at sa halip ay susundin na lamang niya ang kagustuhan ni Pangulong Benigno Aquino III na tutol sa parusang bitay. "Kung ano sinabi ng Pangulo ‘yan ang susundin. We toe the line. Sabi niya hindi handa sa usaping ‘yan, susuportahan namin," ani Bartolome sa panayam ng government-run dzRB radio. "Hindi ako gumagawa ng batas, kami nagpapatupad ng batas," dagdag pa niya. Ayon sa kanya, iminungkahi lamang niya ang pagbabalik ng death penalty dahil sa sunod-sunod na krimen kamakailan, kabilang na ang panloloob sa loob ng Robinsons Galleria nitong nakaraang Huwebes kung saan isang guwardiya ang napatay ng mga magnanakaw. “Palagay ko napapanahon nang ibalik ito. Sumosobra ang ang mga criminal elements, wala silang pakundangan sa buhay ng tao,” ani Bartolome nitong Biyernes sa panayam ng dzBB radio. “Parang hindi na rin sila natatakot mamatay. Hindi rin titigil ang pulis natin,” dagdag niya. Nauna nang sinabi ni presidential spokesman Edwin Lacierda na ayon kay Aquino, hindi pa handa ang judicial system sa pagpapanukala ng capital punishment. "Barbaric" Samantala, may ilang mambabatas ang nagpahayag na hindi sila sang-ayon sa mungkahi ni Bartolome. Ayon kay Akbayan party-list Rep. Walden Bello, maituturing na "barbaric" ang panukala ng PNP chief. “It [death penalty] doesn’t work. It promotes the illusion that force rather than improvement of social conditions is the key to the security of the community,” ani Bello nitong Linggo. Hindi rin sang-ayon si Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya sa proposal ni Bartolome. “The real deterrent to crime is good law enforcement work and the assurance of being convicted and jailed,” aniya. "Maximize fear" Sa kabila nito, inihayag naman ni House Senior Deputy Majority Leader Janet Garin ang kanyang pagsuporta sa opinyon ni Bartolome. “The glaring disrespect to law enforcers simply means that fear should be maximized as a deterrent to heinous activities,” ani Garin sa hiwalay na pahayag nito ring Linggo. Sumang-ayon naman si Garin sa inihayag ni Abaya sa pagkakaroon ng “cleansing” sa justice system sa bansa kasabay ang panunumbalik ng capital punishment. Death penalty sa PHL Ipinatupad ang death penalty sa bansa noong 1994 dahil sa ilang karumal-dumal na krimen. Unang sumalang sa lethal injection si Leo Echegaray, na nahatulang guilty sa salang rape, noong Peb. 5, 1999 sa ilalim ng administrasyong Estrada. Noong Disyembre 10, 2000, kasabay ng pagdiriwang ng Human Rights Day, pinababa ni Estrada ang sentensiya sa lahat ng death convicts sa life imprisonment. Noong Hunyo 2006, ilang araw bago makipagkita kay Pope Benedict XVI, pinirmahan ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9346 na nag-aalis sa death penalty sa bansa. – Amanda Fernandez/KBK, GMA News

Tags: deathpenalty,