GMA News Online
Ulat Filipino
»
Pinoy Trivia

Unang Rajah na bininyagan para maging Kristiyano

April 3, 2012 8:58pm
Kilala niyo ba kung sino ang rajah o datu mula sa isla ng Sugbo na itinuturing unang lider na yumakap sa Kristiyanismo nang dumating sa Pilipinas ang Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan?

Nang dumating umano ang grupo ni Magellan sa Sugbo na kilala ngayon bilang Cebu noong 1521, ang unang lider na kanilang nakita at nakilala ay si Datu Humabon, na kilala rin bilang si Hamabar o Humabad.

Hindi raw nag-aksaya ng panahon si Magellan at ipinakilala kay Humabon at sa mga nasasakupan nito ang kagandahan ng relihiyon ng Kristiyanismo.

Nakumbinsi naman ni Magellan si Rajah Humabon. Kaya noong Abril 14, 1521, naganap ang unang pagbibinyag sa Pilipinas sa katauhan ni Humabon.

Binigyan ng Kristiyanong pangalan si Humabon na Carlos – bilang pagkilala kay King Charles I ng Spain. Bininyagan din ang asawa ni Humabon na binigyan ng pangalang Juana, na mula naman sa pangalan ng ina ni King Charles na si Johanna.

Niregaluhan ni Magellan ang mag-asawa ng imahe ng Sto Nino at malaking krus na naging palatandaan ng lugar kung saan naganap ang unang binyagan sa bansa. -- FRJimenez, GMA News
Go to comments