ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pinaghihinalaang Abu Sayyaf at 3 militia patay sa bakbakan sa Basilan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Patay ang tatlong miyembro ng government militia at isang pinaghihinalaang Abu Sayyaf na bandido matapos ang bakbakang naganap sa Basilan nitong Huwebes ng umaga, inihayag ng isang regional military commander. Ayon kay Col. Ricardo Visaya, commander ng Joint Task Force Basilan at ng 104th Brigade ng Philippine Army, sumiklab ang labanan bandang 5:45 ng umaga sa Block 29 sa Tumahubong sa bayan ng Sumisip. Tinambangan umano ng mga bandido sa ilalim ng pamumuno ni Furuji Indama ang ilang militia na nagresulta sa pagkamatay nina Nulmer Lumbos, Buddo Hatula at Papang Manjapal. Patay rin ang isang banditong nangangalang "Bakrim," dagdag ni Visaya. Nakatalaga ang 4th Scount Ranger Battaliion na magsagawa ng operasyon laban sa mga bandido. Sa paniniwala ng mga awtoridad, may kaugnayan ang Abu Sayyaf sa mga grupong terorista na Jemaah Islamiyah at al Qaeda. Ang mga grupong ito umano ang may pakana sa mga naganap na pag-kidnap at pagbobomba, hindi lamang sa timog bahagi ng Pilipinas kung hindi pati rin sa Metro Manila. - Amanda Fernandez/RSJ/YA, GMA News