ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Biyernes Santo nang pumanaw ang sikat na aktor noong 2002 sa Palawan


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Kilala niyo ba kung sino ang sikat na aktor na pumanaw habang nagbabakasyon sa Palawan dahil sa umano’y bangungot noong Biyernes Santo ng 2002? Marso 29, 2002, nang pumanaw habang natutulog ang sikat na aktor na si Rico Yan. Siya ay 27-anyos lamang at nasa gitna ng kanyang kasikatan nang bawian ng buhay. Nagbabakasyon at sinasabing gagawa ng television commercial ang aktor sa Dos Palmas Resort sa Puerto Princesa City, Palawan, kasama ang ilan niyang kaibigan – kabilang ang aktor na si Dominic Ochoa -- nang maganap ang trahedya. Batay sa mga lumabas na ulat, narinig umano ng mga kasama niya sa cottage na umuungol si Rico dakong 6:00 a.m. nang araw na pumanaw ito. Pero hindi raw pinansin ang pag-ungol ng aktor sa pag-aakalang karaniwang paghihilik lamang ito ni Rico. Dakong 9:00 a.m., nang magising na ang grupo at dito na natuklasan na pumanaw na si Rico nang hindi na nila ito magising. Lumitaw sa awtopsiya na acute hemorrhagic pancreatitis habang natutulog ang sanhi ng kanyang pagkamatay. Ilan sa mga pelikulang nagawa ni Rico ay ang Got 2 Believe at Kay Tagal Kang Hinintay. Nagtapos siya ng kursong Business Management sa kolehiyo sa De la Salle University, Manila. -- FRJ, GMA News