Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Jennica Garcia on her last kissing scene with Carl Guevarra in My Beloved

April 7, 2012 8:14pm


Magkakaroon ng bagong twists sa kuwento ng primetime series na My Beloved ng GMA-7.

Si Jennica Garcia bilang si Monica ay magkakaroon ng tila bagong love interest sa katauhan ni Frank Magalona.

Kaya nangangahulugan ito na ang multong si Junic na ginagampanan ni Carl Guevarra ay mawawala na raw sa serye.

Hindi itinanggi ni Jennica na nalulungkot siya na hindi na niya makakasama si Carl.

Kailan nga lang daw ay kinuhanan ang kissing scene nilang dalawa sa My Beloved.


Ayon kay Jennica, “Nalulungkot din ako na mawawala siya. Masaya ko na maka-trabaho si Frank. Pero at the same time, nalungkot din akong malaman na ito na ang last kiss namin [ni Carl]."

Kumusta naman sila ni Carl?

“Nakakatawa nga. Feeling ko, siya rin, nagulat din sa last kissing scene namin.

"Siyempre, medyo awkward kasi, hindi mo naman boyfriend. Pero yung pinaka-last namin na scene, medyo nadala ko.

"Dati kasi, naku, teka, hindi mo naman boyfriend, tapos after take, ganoon na lang, kanya-kanya, ‘di ba?

“Kasi ‘yang si Carl, bilang kaibigan, mahal ko na rin 'yan. Ang tagal kong loveteam si Carl, at the same time, masakit sa akin na mawawala na siya.

"Parang ito na yung last namin. Ito na ang pinakahuli naming scene.

"Nagkakatawanan kami kasi, sabi niya, o, kiss na naman ha, kasi, minsan napupukpok ko siya.

"So sabi ko, sige, last na ‘to, aayusin ko na. Awa ng Diyos naka-six na takes," natatawa pa niyang sabi.

Sa My Beloved, bata pa lang at naunang namatay ang boyfriend niya sa serye na ginagampanan ni Carl Guevara.

GHOST BF. Tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Jennica kung sa totoong buhay ay maunang "mawala" ang boyfriend niya, pero nandiyan pa rin bilang multo, gusto ba niya yun na huwag lang silang maghiwalay?

“Naku, ‘wag kayong ganyan! Alwyn!" natatawang-biro niya.

“Siyempre, dapat walang iwanan. Nag-aano nga kami ni Alwyn [Uytingco], basta nanonood siya. Sabi niya, 'Ganyan pala ang role mo riyan, ano?'

“Sabi ko, 'Oo, alam mo, mahirap. Bhe, sa ating dalawa ha, huwag kang mauuna. Kayanin mong sabay tayo. Hindi ko kaya.'

"Tapos sabi niya, 'Huwag ka ngang nagsasalita ng mga ganyan, hindi mangyayari yun.'

“Pero siyempre, hindi mo masasabi yun, hiram na buhay lang natin ‘to kay Lord."

SOUR-GRAPING BF. May isa pang tanong kay Jennica ng PEP at iba pang entertainment press na dumalaw sa taping ng My Beloved noong Lunes sa San Juan de Dios Hospital.

Ano ang reaksiyon ng aktres sa rebelasyon ng dati niyang boyfriend na si Mart Escudero na ang pinaka-bobo nitong nagawa ay nang ibuhos daw lahat ng oras sa relasyon nila noon at nawalan ng panahon sa sariling pamilya.

Ayon kay Jennica, “Sinigurado ko munang mabuti kung sinabi ba niya talaga yun. Kasi, para sa akin, hindi man nag-work-out ang relationship namin, wala akong masasabing hindi maganda at hindi ko matatawag na kabobohan yung relasyon na yun dahil marami akong natutunan.

“Hindi ako magiging ganito ngayon kung hindi rin dahil sa mga pinagdaanan naming pagsubok."

Na-offend ba siya nang malaman niya ito?

“Wala na kami, e. Parang kung anuman ang negative pa na masasabi niya, wala na ‘ko ro’n. Out na ako ro’n.

"Nagulat lang ako. Yun lang talaga kasi, hindi ko ine-expect na lalabas yun sa bibig niya."

MARRY MY MOM. Sa isang banda, sinabi raw ng Mama niya, si Jean Garcia, na si Jennica mismo ang nagpu-push dito sa kanya na mag-asawa na.

Natatawang sagot naman ni Jennica, “Bakit hindi, matabang binti?

“Sino ba naman ang may gusto na yung nanay mo, tumandang mag-isa? Siyempre, gusto mo, may partner ‘yan in life.

"Kagaya ko, nangangarap akong magkaroon ng family ko one day. Gusto ko, ganoon din siya.

"Deserve niya yun. Napaka-bongga ng magiging asawa niya, dadaan sa butas ng karayom ko."

Pinu-push niya tapos, sobrang sasalain naman niya?

“Ganoon talaga."

Biro naman namin sa kanya, sasalain din daw ng mommy niya ang magiging asawa niya?

“Okay lang, free na free siyang gawin yun."

Ilang araw bago ang Holy Week, nasa Tagaytay siya kasama si Jean at ang kapatid niya, at si Alwyn na kasama rin ang mga kapatid nito.

Naitanong tuloy namin kay Jennica kung ano ang pakiramdam na nakakapag-bonding siya kasama ang pamilya niya at pamilya ni Alwyn.

“Ang saya! Para kaming one big happy family." -- Rose Garcia, PEP