ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Hagedorn, inugnay ang Palawan blasts kay ex-Gov. Joel Reyes
+
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Inihayag ni Puerto Princesa City Mayor Edward Hagedorn nitong Lunes na maaaring may kaugnayan ang mga pagsabog sa Palawan noong Maundy Thursday kay dating provincial governor Joel Reyes, ang kasalakuyang pinaghahanap na suspek sa pagpatay sa environmentalist at broadbaster na si Gerry Ortega noong 2011.
Sa panayam ng "Balitanghali" ng GMA News TV, sinabi ni Hagedorn na kanyang napansin ang timing sa naganap na pagsabog sa lungsod ng Puerto Princesa at sa bayan ng El Nido kung saan apat ang sugatan.
"Nakikita lang namin [na] nagsimula ‘yung mga pagsabog nung lumabas na ‘yung warrant dun [kay] former Gov. Joel Reyes at ‘yun na, nagsunud-sunod na ‘yan," ani Hagedorn.
Nauna nang itinanggi ni Reyes, na nangakong susuko sa tamang oras, ang kanyang kaugnayan sa pagpatay kay Ortega. Ayon sa kanya, sinisiraan lamang umano siya ni Hagedorn.
Itinanggi naman ni Hagedorn na nagsasagawa siya ng demolition job laban kay Reyes, ang kanyang political rival.
Nitong Easter Sunday, arestado ang suspek na si Jerri Hassan, na nagpadala umano ng warning text message tungkol sa blast sa may-ari ng Puerto Princesa Express.
Ayon kay Hagedorn, inaasahang haharap ang mga pulis ngayong Lunes sa korte upang maghain ng kaso laban kay Hasaan.
"Ito ngang nahuli kahapon na nagte-text sa mga bus terminal ay naka-employ din sa kapitolyo," aniya.
Nauna namang inihayag ni Interior Secretary Jesse Robredo na mula sa kanilang initial findings, isang grupo lamang ang nagsagawa sa magkahiwalay na pambobomba.
Samantala, naniniwala si Hagedorn na iisa lamang ang may sala sa pambobomba. Aniya, ang motibo nito ay upang pahiyain ang lokal na gobyerno.
"Mukhang iisa po [ang mastermind], mukhang one and the same... talagang plano lang i-embarrass kami sa Puerto Princesa at sa Palawan. Pero ang makikita po namin hindi po ito magtatagal at mate-trace na po namin yung mga mastermind," aniya.
Dagdag nito, naniniwala si Hagedorn na maaaring pulitiko ang motibo nito sapagkat hindi umano nito layuning makapatay o makapinsala.
"Ang anggulo po pulitika ang tinitingnan po namin dito at yun pong lahat naman po ng bombang ginamit nila roon hindi naman po meant to kill or harm, talagang scare tactics lamang," aniya.
Ayon kay Hagedorn, mas pinapatibay na ng lokal na pulis ang seguridad sa mga sikat na tourist destination. Nagpakalat na rin ang Department of Interior and Local Government ng dagdag na manpower at bomb sniffing dogs sa lungsod, dagdag niya.
“[Para sa publiko po] wag po [kayo] mag-alala, everything's under control,” aniya. — Amanda Fernandez/RSJ, GMA News
More Videos
Most Popular