ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pagdami ng mga Pinoy, dapat daw ituring biyaya, hindi problema


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sa halip na isiping problema, inihayag ng dalawang obispo ng Simbahang Katoliko na dapat ikasiya ang patuloy na paglobo ng populasyon ng bansa. Ayon kina Sorsogon bishop Arturo Bastes at Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso, malaking biyaya para sa bansa ang pagdami ng mga Pilipino. Taliwas umano ito sa problema ng ibang bansa gaya sa Europe at Japan na dumadami ang tumatanda at lumiliit ang populasyon sa kanilang lugar. Sinabi ni Bastes na hindi magiging problema ang kahirapan sa harap ng paglobo ng populasyon sa Pilipinas kung maipatutupad lamang ni Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang kanyang plataporma na, “kung walang kurap, walang mahirap." "It is not a threat but a joy because there are so many countries are dying and we are alive. So there is now a challenge for the government to implement daang matuwid. Kung walang kurap, walang mahirap," pahayag ni Bastes sa panayam ng Radyo Veritas nitong Martes. Sa ipinalabas na ulat ng National Statistics Office o NSO, sinabing nasa 92 milyon na ang populasyon ng mga Pinoy. Posible pa umanong umabot sa 100 milyon ang populasyon ng bansa pagsapit ng 2015. Ayon kay Bastes, hindi dapat ituring na banta ang pagdami ng populasyon dahil ito umano ang maaaring magsalba sa bansa sa kahirapan. Idinagdag naman ni Tagbilaran Bishop Leonardo Medroso na dapat pag-ibayuhin ng pamahalaan ang pagkakaloob ng serbisyo sa publiko gaya ng mga programang pangkabuhayan at edukasyon. “Asset sa bansa ang malaking populasyon. Maraming mga bansa ngayon ang maunlad like China dahil malaki ang kanilang populasyon. Dapat lamang gawin ng pamahalaan ay gumanap ng maayos sa kanyang tungkulin para tugunan ang pangangailangan ng mga tao lalo na sa edukasyon ng mga kabataan," paliwanag ni Medroso. - MP/FRJ, GMA News

Tags: population