Michelle Madrigal, nagkwento tungkol sa kanyang most daring pictorial
Nagkuwento ang sexy Kapuso star na si Michelle Madrigal tungkol sa kanyang kauna-unahang topless pictorial para sa cover ng isang men’s magazine. Sa ulat ng Showbiz Exclusive ng GMA News TV nitong Martes, inamin ni Michelle na hindi siya komportable at nahiya siya sa umpisa ng kanyang photo shoot kung saan wala siyang saplot na pang-itaas. Pero dahil kaunti lang naman daw sila sa location shoot, mahusay na suporta ng kanyang team, at tiwala sa photographer, kaagad naman daw nawala ang kanyang pagkahiya at naging komportable na sa ginawang pictorial. Sobrang masaya raw ang dating Survivor Philippines castaway sa resulta ng pictorial at siya pa raw mismo ang pumili ng mga larawan na ginamit sa April 2012 issue ng FHM. “I’m happy kasi nakita ko na maganda ang mga photo pati sa loob, 'yong cover, and ako talaga ang namili ng pictures na ilalabas," ayon kay Michelle na naunang nagsabi na iyon na raw ang pinaka-daring na pictorial na kanyang nagawa. – FRJimenez, GMA News