Joey de Leon, bakit hindi nakasama ng Eat Bulaga! dabarkads sa Amerika?
Kulang ang dabarkads ng Eat Bulaga! nang magtanghal ang grupo sa San Francisco, California kamakailan dahil hindi nakasama ang tinaguriang entertainment guru na si Joey De Leon. Sa Chika Minute ng GMA News 24 Oras nitong Miyerkules, sinabing marami ang naghanap kay Joey lalo na nang mag-perform sina Sen. Tito Sotto at Bossing Vic Sotto sa mga Pinoy na dumagsa sa Cow Palace. Birong paliwanag ni Vic, nagkamali si Joey dahil sa Macau Palace ito nagpunta sa halip na sa Cow Palace. Sinabi naman nina Sen. Sotto at Allan K., hindi nakakuha ng working visa si Joey kaya hindi ito nakasama sa kanilang biyahe. Nagkaproblema umano ang computer sa embassy nang isalang ang pangalan ni Joey. “Nung sinalang 'yung pangalan ni Joey, since foreign sounding (ang name) like Spanish, Latino, parang ang daming lumabas na Joey De Leon. So parang nagkaproblema. 'Yung iba niyang kapangalan parang terorista pa yata," natatawang kwento ni Allan K. Bukod kay Joey, hindi rin nakasama sa Amerika ang dabarkads at Chika Minute host na si Pia Guanio. Ayon mismo kay Pia, ang duktor niya ang nagpayo sa kanya na huwag na munang sumakay ng eroplano dahil na rin sa kanyang pagbubuntis. Gayunman, tuloy pa rin ang paghahatid ng isang-libo’t isang tuwa ng mga dabarkads sa mga kababayang Pinoy sa US, na hindi nagpahuli sa pambansang laro ngayon ng bayan – ang Pinoy Henyo. Bukod sa performance nina Sen. Sotto at Bossing Vic, nag-showdown din sa dance floor sina Pauleen Luna at Ruby Rodriguez. Habang rumampa naman ang “kagandahan" ni Paolo Ballesteros na suot ang magandang gown. Nandoon din ang iba pang dabarkads na sina Allan K., Jose Manalo at Wally, Keempee de Leon, Julia Clarete at Anjo Yllana. - FRJimenez, GMA News