Lola, patay sa bundol ng motorsiklo; bata, comatose naman nang mahagip ng tricycle
Binawian ng buhay sa ospital ang isang lola na nabundol ng isang motorsiklo habang tumatawid sa national highway sa Brgy Santa Maria, San Jacinto, Pangasinan. Kababa lang umano ng biktimang si Anacorita Solomon, sa isang pambasaherong jeepney at patawid na sa kalsada nang mabundol ng motorsiklo na minamaneho ni Carlos Macalala. Sa lakas ng pagkakabundol, tumilapon si Solomon at nabagok ang ulo sa sementadong kalsada. Ayon sa naghihignapis na anak ng biktima na si Annalee Solomon-Gacusan, idineklarang dead on arrival ang kanyang ina sa ospital. Nadakip naman si Macalala na nagtamo ng mga galos sa katawan dahil sa nangyaring aksidente. Iginiit niya na hindi mabilis ang kanyang pagpapatakbo. Napag-alaman ng pulisya student permit lang ang lisenya ng suspek gayong national highway na ang binagtas nito. Ayon kay Senion Inspector Amormeo Somine, hepe ng San Jacito Police, desidido ang kaanak ng biktima na kasuhan si Macalala. Bata, comatose Sa San Jacito pa rin, na-comatose naman ang Grade 2 pupil na si Brendy Saoile, nang mabundol ng isang tricycle sa barangay Macayug. Mismong ang driver ng nakabundol na tricycle na si Dominador Salindong ang nagdala sa biktima sa pagamutan. “Sumuot siya sa ilalim ng tricycle," ayon kay Salindong, na hindi na kakasuhan ng mga kaanak ng biktima matapos mangakong sasagutin ang lahat ng gastusin sa pagamutan. Bigla umanong tumawid ang bata kaya nahagip ng tricycle ni Salindong. -- JFarcellana/GLCalicdan/FRJ, GMA News