DILG inuulan ng 'leads' sa kinaroroonan ni Palparan — Palasyo
Aminado ang Malacañang na hirap ang awtoridad na mahuli si retired Maj. Gen. Jovito Palparan dahil sa dami umano ng leads na nakukuha nila. Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, hindi binabalewala ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang leads na kanilang nakukuha ukol sa posibleng kinaroroonan ni Palparan. “Nahirapan sila... There are so many leads given. Hindi pwedeng balewalain na lang," ani Valte sa panayam ng dzRB radio nitong Linggo. Ayon sa kanya, pantay na atensiyon ang ibinibigay sa mga lead bago isantabi ang mga ito. Suspek si Palparan sa pagkawala ng dalawang estudyante ng University of the Philippines na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan noong 2006. May kinalaman din umano siya sa pagpatay sa ilang miyembro ng mga makakaliwang grupo — bagay na paulit-ulit namang itinanggi ng retiradong heneral. Noong Enero, itinaas ni Department of Justice (DOJ) Secretary Leila de Lima ang reward money ng P1 milyon mula sa naunang alok ni DILG Secretary Jesse Robredo na P500,000. Samantala, inihayag ni Valte na makikipag-ugnayan ang Palasyo sa DILG at DOJ sa posibleng pagdagdag sa reward money sa pagdakip kay dating Palawan Governor Joel Reyes, na suspek din sa kasong pagpatay. Kasalakuyang pinaghahanap pa rin si Reyes mula nang maghain ng arrest order ang korte kaugnay sa pagpatay kay Gerry Ortega, isang broadcaster-journalist sa Palawan. “From what I understand, the DILG and DOJ are studying proposal of bounty (against Reyes). I’ll have to ask both agencies if they are considering increasing the bounty for Palparan,” ani Valte. “Inevitably that [added bounties] will come out of an agency’s pocket, it will have to be studied by the agencies concerned. [But] there are private individuals who raise funds on their own for the bounty,” dagdag pa niya. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News