ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Graft-free' ex-Arroyo allies tanggap sa Erap-Binay coalition


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Bukas ang pinto ng bagong coalition nina dating Pangulong Joseph Estrada at Vice President Jejomar Binay sa mga dating kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi dawit sa anumang anomalya.   Ito ay ayon mismo kay Estrada sa panayam ni GMA News anchor at GMA News Online editor-in-chief Howie Severino sa “News To Go” nitong Martes ng umaga. "Kahit na ally ni GMA (initials ni Arroyo) ay dapat hindi involved, hindi nakasangkot sa mga katiwalian, sa graft and corruption nung administration ni GMA," ani Estrada. Kamakailan, nagsanib-pwersa ang Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) ni Estrada at Partido Demokratikong Pilipino-Laban (PDP-Laban) ni Binay upang mabuo ang United Nationalist Alliance (UNA). Noong 2010, sa ilalim ng kanilang dating coalition na United Opposition (UNO), tumakbo si Estrada sa pagkapangulo habang si Binay naman ang kanyang running-mate. Napabalitang gagawing senatoriables ng UNA sina San Juan Rep. na si Joseph Victor "JV" Ejercito, Cagayan Rep. Jack Enrile, Zambales Rep. Mitos Magsaysay, dating senador Juan Miguel Zubiri, Kit Tatad and Ernesto Maceda, Sen. Francis Escudero, Sen. Loren Legarda, Sen. Koko Pimentel, at Joey de Venecia sa 2013 midterm elections. Napabalita ring kasama sa mga pinagpipilian sina Las Piñas Rep. Cynthia Villar, Sen. Gregorio Honasan at Sen. Alan Peter Cayetano. Nauna nang inihayag ni Pimentel na wala siyang problema sa pagtakbo kasama si Magsaysay, na kilalang tagasuporta ni Arroyo. Ang ayaw umano ni Pimentel ay tumakbo kasama ang mga "notoriously corrupt" na pulitiko. Walang binanggit na pangalan si Pimentel bagama’t iginiit niyang hindi siya tatakbo kasama si Zubiri. Nagbitiw sa posisyon si Zubiri matapos maugnay sa umano’y dayaang naganap noong 2007 midterm elections. Pinalitan siya ni Pimentel, na naghain naman ng electoral protest laban sa kanya. Nauna nang ipinagtanggol ni Binay si Zubiri. Inihayag naman ni Estrada na hindi pa ito ang pinal na lineup ng kanilang coalition. "’Yan ay mga tentative lang ‘yan, pag-uusapan pa namin ‘yan... ‘di pa pormal na nagko-convene ang PDP and PMP," aniya sa panayam nitong Martes. Nitong Lunes ng gabi, tumiwalag si Sarangani Rep. Manny Pacquiao sa Liberal Party ni Pangulong Benigno Aquino III upang sumali sa PDP-Laban ni Binay. Inaasahang tatakbo ang boxing champion bilang gobernador ng kanyang probinsya sa susunod na eleksyon. Samantala, inihayag naman ni Estrada na maaaring gawin nilang standard bearer si Binay sa 2016 presidential elections. Wala naman panglaban kami kundi si vice president," aniya. "He's very fit mentally and physically and pati sa experience as public official, he has been the longest mayor of Makati." Para naman sa kanyang sariling plano sa darating na 2013, hindi pa makapagdesisyon si Estrada kung tatakbo siya bilang mayor ng Manila. "Malalim ko pang pinag-iisipan dahil maraming taga-Maynila na pinipilit ako na tumakbo dahil nga ang Maynila ay napag-iwanan na," aniya. "Wala na tayo ambisyon [pero] kung hiningi pa ng taongbayan ang aking serbisyo, sino ako para tumanggi?" dagdag pa niya. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News