2 lalaki, patay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng riding-in-tandem
Isang 25-anyos na binata at isang magsasaka ang napatay sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril ng mga riding-in-tandem sa bayan ng Dagupan at Bautista sa lalawigan ng Pangasinan. Tinatayang aabot sa 10 tama ng bala sa katawan ang tumapos sa buhay ng biktimang Joseph Quimson, binata. Pinagbabaril ang biktima dakong 9:00 p.m. nitong Martes habang nakatayo sa Pantal district sa Dagupan City. Nakasakay ang mga tumakas na suspek sa motorsiklo. Ayon sa saksi, kahit nakatumba na sa kalsada ang biktima ay pinaputukan pa rin ito ng mga suspek na nakasuot ng helmet. Lumitaw sa rekord ng pulisya na nasangkot na ang biktima sa ilang kaso ng pagnanakaw. “May rekord siya na snatching tapos theft. Pero yung kaso nito hindi nai-push kasi ‘di itinuloy ng complainant," ayon kay PO1 Salvador Cacho, ng Dagupan police station. Sa kabila ng mga kasong kinasangkutan ng biktima, humihingi pa rin ng katarungan ang ina ng biktima dahil sa sinapit ng anak. Inabangan sa sakahan Samantala, patay naman ang magsasakang si Norman Dacquigan, residente ng Brgy Poponto, Bautista, nang barilin siya sa ulo at dibdib ng dalawang suspek na nakasakay din sa motorsiklo. Dakong 7 a.m. nang magtungo umano ang biktima sa San Vicente, Alcala para tingnan ang kanyang maisan nang lapitan ito ng isa sa mga suspek at barilin. “Nakamotor yung dalawa, yung backrider bumaba, pinagbabaril na siya," ayon kay SPO4 Romeo Manzano, ng Alcala police. Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga kaanak ng biktima para matukoy ang motibo at anggulo sa pamamaril. -- JSegui/GLCalicdan/SFinuliar/ FRJ, GMA News