ADVERTISEMENT
Filtered By: Showbiz
Showbiz

Ruffa Gutierrez, napaiyak sa bagong ‘kaaway’ ng inang si Annabelle Rama


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Napaiyak si Ruffa Gutierrez nang matanong ng showbiz press tungkol sa away ng kanyang ina na si Annabelle Rama at dating aktres na si Amalia Fuentes. Sa ulat ni showbiz reporter Cata Tibayan sa Star Bites ng Balitanghali nitong Miyerkules, sinabing aminado si Ruffa na apektado siya sa bagong kaalitan ng kanyang ina. Nag-ugat umano ang away nang pumunta si Annabelle sa burol ng mister ni Amalia na suot ang damit na may matingkad na kulay. Hindi iyon nagustuhan ni Amalia at itinuring pambabastos ang ginawa ni Annabelle sa kanyang pumanaw na mister. Ibinuhos ni Amalia ang galit kay Annabelle sa mga tweet. May pakiusap din siya sa mister ni Annabelle na si Eddie Gutierrez na kontrolin daw ang misis. Umaasa naman si Ruffa na wala nang miyembro ng kanyang pamilya ang madadamay sa naturang gusot at magkakaayos din ang kanyang ina at si Amalia. Pinayuhan din daw ni Ruffa ang kanyang ina na huwag patulan ang mga umaaway sa kanya at makinig na lang sa kanilang mga anak. Sinabi sa ulat na sinikap ng GMA News na makuha ang panig ni Amalia pero hindi ito sumasagot sa mga tawag. Samantala, nauna nang ipinaliwanag ni Annabelle na wala siyang intensiyon na makasakit sa kulay ng kanyang damit nang magpunta sa simbahan kung saan nakaburol ang mister ni Amalia. – FRJ, GMA News