ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Umano’y illegal call center sa Davao City, timbog; 78 Taiwanese, huli


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Isang umano’y call center na ilegal na nag-ooperate sa Davao City ang sinalakay ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto sa 78 Taiwanese. Sa ulat ni Marlon Palma-Gil sa Balita Pilipinas Ngayon ng GMA News TV nitong Huwebes, sinabing kasama ng Davao City police sa pagsalakay sa tatlong bahay ang ilang pulis mula sa Taiwan. Sa sinalakay na bahay sa Dahlia St sa barangay Buhangin, 17 Taiwanese ang nahuli, habang 33 naman ang nasakote sa Brgy Bangcal, at 28 iba pa ang nadakip sa Brgy Matina. Ayon sa pulisya, dalawang buwan na minanmanan ang mga bahay at isinagawa ang pagsalakay nitong Miyerkules nang maipalabas na ng korte ang search warrant. “Careful lang ang ating mga judge sa pag-grant ng search warrant kaya matagal kami nagka-aplay. Dinivelop muna, hindi naman basta-basta dahil papasok pa sa mga bahay para sa intelligence operations," paliwanag ni Police Sr. Supt. Ronald dela Rosa, director ng Davao City. Sinabi ni Dela Rosa na pawang Taiwanese at walang Filipino sa grupo na umano’y nangbibiktima ng mga dayuhan sa Taiwan at Mainland China. Idinagdag naman ni Davao City vice mayor Rodrigo Duterte na ginagamit din umano ng grupo ang illegal call center sa extortion at kidnapping operation. Nilinaw din ng pulisya na posibleng ang ibang Taiwanese na kasama sa mga nahuli ay biktima ng human trafficking at napilitan lamang magtrabaho sa sindikato. -- FRJ, GMA News