Maguindanao massacre suspek humiling ng mas mahabang hospital arrest
Hiniling ng isang suspek sa Maguindanao massacre nitong Lunes sa Quezon City court na palawigin pa ang kanyang hospital arrest upang tuluyan siyang makapagpagaling sa mga tinamong sugat sa isang bombing incident nitong nakaraang buwan. Hiniling ito ni Datu Anwar “Ipi” Ampatuan Jr., apo ni dating Maguindanao governor Andal Ampatuan Sr. na suspek din sa massacre, matapos iutos ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang paglipat sa kanya sa QC Jail Annex sa Bicutan. Kasalakuyang naka-hospital arrest si Datu Ipi sa Philippine General Hospital matapos mabiktima ng pagsabog sa bayan ng Mamasapano noong Marso 25, 2012. Inihain ng kanyang legal counsel na si Paris Real ang tatlong-pahinang mosyon kay Judge Jocelyn Solis-Reyes sa QC Regional Trial Court Branch 221. Ayon kay Atty. Real, nakasaad sa mosyon na hindi pa lubusang natatanggal ang lahat ng metallic fragments mula sa katawan ni Datu Ipi na dahilan kung bakit hirap pa siyang kumilos. “Worse, Datu Ipi has still a gaping wound as big as a fist at his back as a result of the bombing incident. Said huge wound is still being treated periodically lest it would get infected,” anang mosyon. Iginiit ng abugado na hindi makatarungan ang gustong mangyari ng BJMP at salungat umano ito sa utos ng korte. “Moreover, transferring Datu Ipi to a crowded and unsanitary jail would worsen his medical condition especially his gaping wound which might get seriously infected. In the light of the foregoing and on the bases of humanitarian reasons, it is respectfully prayed that the necessary order be issued for the continued hospitalization of the accused until such that he shall have been operated upon and shall have fully recovered from his fatal injuries,” nakasaad sa mosyon. Si Datu Ipi ang ika-96 na suspek na inaresto kaugnay ang Nob. 23 massacre kung saan 57 katao ang patay, kabilang na 32 miyembro ng media. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News