PNoy hiniling sa media na maglabas ng mas maraming positive news
Nanawagan si Pangulong Benigno Aquino III ngayong Lunes sa media na huwag puro negatibo ang ibalita dahil nakaaapekto raw ito sa turismo ng bansa. “Hindi ko naman po hinihiling na mag-imbento kayo ng kuwentong kutsero upang pabanguhin ang gobyerno,” ani Aquino sa kanyang talumpati sa 16th national press forum ng Philippine Press Institute sa Maynila. “Pero kung ibabalanse po natin, at iisipin na ang bawat salita ay nakakaapekto sa buhay ng kapwa natin Pilipino, tiyak ko po na mas madali nating maaabot ang kolektibo nating mithiin para sa bayan,” aniya. Anang Pangulo, tila mas nangingibabaw ang “get it first” na kaugalian sa ilang taga- media kaysa sa pagkuha ng mas tamang balita. “Nandiyan pa po kaya ang prinsipyo ng get it first but get it right, o napalitan na ito ng get it first, siguruhin na bebenta ang storya, at kung hindi tama ang impormasyon, mag-sorry ka na lang?" tanong ni Aquino. Ihinalimbawa niya ang balitang nakipag-date umano siya sa Greenhills, San Juan batay sa isang tweet. Aniya, nang mga oras na iyon ay nasa meeting siya ng National Economic and Development Authority. “Malinaw na naman po na hindi ito totoo—ngunit muli, nagawa na ang pagtatanim ng duda bago pa ang paglilinaw, pagtatama, at pagsiguro sa katotohanan ng balita. Nakakalungkot po na natabunan nito ang mabuting balita na sana'y nakapagpa-angat ng loob ng mga Pilipino,” aniya. 2 dayuhang publikasyon Pinuri naman ni Aquino ang dalawang dayuhang publikasyon na nagpapakita ng interes sa bansa. Ayon sa kanya, pinuri ng Newsweek ang pagharap ng bansa sa isyung iringan sa China, habang nagbigay din ng magagandang salita ang Times Magazine tungkol sa ekonomiya ng Pilipinas. “Uulitin ko po, hindi mga Pilipino ang nagsulat nito. Kalabisan po bang isipin na ang Pilipino rin ay dapat kumakalinga at tumatanaw sa interes ng Pilipinas?” Ayon pa kay Aquino, ang Pilipinas lamang ang nagbabalita ng negatibong travel advisories para rito. Aniya, batay ang travel advisories sa persepsyon ng mga ambassador ng ibang bansa na nakatalaga sa Pilipinas. Nakuha rin nila ang kanilang opinyon mula sa mga balitang kanilang nababasa sa mga pahayagan at napapanood sa telebisyon. Krimen “Pero dahil nga sa negatibismo sa pagbibigay-balita, at sa walang puknat na pagwawagayway sa ating travel advisories, kahit pa wala namang direktang banta sa Pilipinas, palaging kinukwestyon ng ibang mga bansa kung ligtas nga ba silang magtungo sa atin,” anang Pangulo. Dagdag pa niya, dahil umano sa mga negatibong balita, nabago ang isip ng isa niyang kaibigan mula sa ibang bansa na bumalik ng Pilipinas. “Wala na raw siyang nabasa at nakita sa Filipino channel kundi karahasan at krimen. Paano pa po kaya ang mga banyagang turista, na tinatayang gagastos ng isanlibong dolyar sa bawat pagbisita niya sa Pilipinas, na manganganak naman ng trabaho at kabuhayan sa ating mga kababayan?” ani Aquino. Positibong balita = mga turista Naniniwala si Aquino na mas maraming turista ang dadayo sa bansa kung karamihan sa mga balita ay positibo. Ayon sa kanya, noong Pebrero, mahigit 411,000 turista ang dumayo sa bansa. Malakas ang kanyang loob na aabot sa 4.8 milyong turista ang bibisita sa Pilipinas sa taong ito. “Isipin na lang po natin kung gaano natin kabilis maaabot ang target na iyan kung mas mangingibabaw ang positibong balita tungkol sa Pilipinas, kaysa uunahin ang negatibismo?” aniya. Media, bilang partner ng gobyerno Pinaalahanan ng Pangulo ang media na partner ito ng gobyerno. “Alalahanin po natin, magkatambal po ang ating mga tungkulin: Kami, bilang nasa gobyerno, at kayo, bilang tagapaghatid ng katotohanan. Ang pagtupad sa tungkuling natutuhan na po nating hilingin sa gobyerno, ay siya rin sanang pagtupad sa tungkuling puwede nating asahan mula sa lahat: Katapatan sa katotohanan, pantay na pagsusuri, at pagtutok sa kung ano ang makabubuti sa taumbayan,” aniya. Naniniwala si Aquino na makatutulong sa pag-unlad ng bansa ang paglalabas ng mga positibong balita. “Sa inyong pagpupursigi na maabot ang pinakamataas na antas ng propesyunalismo, integridad, at kredibilidad sa larangan ng pamamahayag, naniniwala akong maiaangat ang uri ng ating demokrasya kung sa gitna ng nagtutunggaling boses at opinyon, may mahubog tayong isang Pilipinas na may mas matibay na lipunan, mas nagkakaisang tinig, at mas positibong sambayanan,” aniya. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News