12-anyos na babae, hinalay ng menor-de-edad na suspek sa Pangasinan
Isang 17-anyos na lalaki ang dinakip sa Dagupan City, Pangasinan matapos itong akusahang nanggahasa sa isang 12-anyos na babae nitong Lunes ng gabi. Sinasabing naganap ang panghahalay sa biktimang itinago sa pangalang âLenlen," sa tabing-dagat ng Tondaligan beach sa Bonuan, Dagupan city, dakong 8:00 p.m. Naglalakad umano si Lenlen sa tabing-dagat nang bigla siyang hatakin ng suspek sa madilim na bahagi ng beach at doon pinagsamantalahan. Hindi umano magawang makasigaw ng biktima dahil nilulunod siya ng suspek. Nadakip naman ng mga awtoridad ang suspek at umamin sa nagawa niyang kasalanan. Ngunit bago ito madala sa himpilan ng pulisya, natikman muna ng suspek ang galit ng mga tao. Nagtamo siya ng mga pasa sa katawan dahil sa pag-atake sa kanya ng mga tao. Inamin umano ng suspek na lango siya sa alak nang gawin ang panghahalay sa biktima. Sa isinagawang pagsusuri ng medico legal, lumitaw na positibong nagalaw ang biktima. Ayon kay SPO1 Jailine Aquino, WCPD investigator, ng Dagupan City police, sinuntok din umano ng suspek sa sikmura ang biktima nang manlaban ang huli. Pinag-aaralan na ang pagsasampa ng kaso laban sa menor-de-edad na akusado.-- CTorida/GLCcalicdan/FRJ, GMA News