Partial lifting ng deployment ban sa Iraq inirekomenda ng DFA
Inirekomenda na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang partial lifting ng deployment ban sa Iraq dahil ligtas na umano ang ilang lugar doon para sa mga manggagawang Pilipino. Inihayag ni DFA spokesman Raul Hernandez nitong Martes na inihain ng ahensya sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang mosyon upang tanggalin ang ban sa Kurdistan, na isang autonomous region sa Iraq. Hindi pa nakatanggap ng sagot ang DFA mula sa POEA. “Kurdistan region is relatively safe and therefore because of the demands of jobs in the area, [we will] allow our workers to work and stay in that region,” ani Hernandez sa isang press briefing. Kasalakuyang may deployment ban ang Pilipinas sa Iraq dahil sa tensyon mula sa pag-alis ng mga American troops noong Disyembre ng nakaraang taon. Mahigit 4,000 Pilipino ang nagtatrabaho sa Iraq habang mayroon pang mga nakatalagang militar ng US doon. Nang umalis ang mga Amerikano, nanatili ang ilang Pilipino upang magtrabaho para sa kanilang dayuhang contactors. Nitong Pebrero sa taong ito, itinaas ng DFA sa 3 ang alert level sa Iraq. Nang-alok ang gobyerno ng tulong pinansyal sa pagpapa-uwi ng mga Pilipinong nais bumalik sa bansa. Sakop ang alert level sa lahat ng rehiyon sa Iraq maliban na lamang sa Kurdistan. — Amanda Fernandez/KBK, GMA News