Liderato ni PNoy, masusubok daw sa SC ruling tungkol sa Hacienda Luisita
Nanawagan kay Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III ang ilang Arsobispo ng Simbahang Katoliko na kaagad ipatupad ang naging desisyon ng Korte Suprema na pumapabor sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita. Ayon kay Cebu Archbishop Jose Palma, presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), malaking tagumpay sa agrarian reform program kapag naipamahagi na sa mga magsasaka ang bahagi ng lupain ng Hacienda Luisita na pag-aari ng pamilya ni Aquino. Idinagdag ng arsobispo na matagal nang hinintay na makamit ng mga magsasaka ang katarungan at karapatan nilang makapagmay-ari ng lupaing sakop ng repormang agraryo na isinulong ni dating Pangulong Cory Aquino, ang pumanaw na ina ni PNoy. “We can show that after all that reform as much as possible and eventually that the land will be distributed to the farmers and we can show that here in our country we can witness the sharing of justice and giving the farmers their rights," pahayag ni Palma. Nitong Martes ay nagpalabas ng pinal na desisyon ang Korte Suprema na nagtatakda ng tamang kabayaran sa halos 5,000 hektaryang lupain ng Hacienda Luisita na ipamamahagi sa mahigit 6,000 benepisaryong magsasaka. Bukod kay Palma, nanawagan din sina CBCP-NASSA chairman Bishop Broderick Pabillo at CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs chairman Caloocan Bishop Deogracias Iniguez, sa administrasyong Aquino na ayusin sa lalong madaling panahon ang pamamahagi ng lupa. Ngunit inihayag ng pamahalaan na posibleng abutin pa ng anim na buwan hanggang isang bago maipamahagi ang lupain matapos maberipika ang mga benepisaryo. Ayon kay Pabillo, ang usapin ng Hacienda Luisita ay magsisilbing halimbawa kung gaano kaseryoso ang pamahalaang Aquino na ipatupad ang batas sa repormang agraryo. Umaasa siya na gamitin ng pangulo ang kanyang kapangyarihan upang maipatupad kaagad ang desisyon ng Korte Suprema. “Nananawagan tayo sa Pangulo ngayong may golden opportunity na sa harap niya, kung ito’y talagang kanyang seseryosohin na ipatupad ang sinabi ng Supreme Court na magiging bayani siya, magiging dakila siya sa harap ng mga tao," pahayag ng Obispo sa panayam ng Radio Veritas. “Pero kung papabayaan niya ito ay magiging masamang bahid ito sa kanyang pangalan. Kaya nasa kanya ngayon ang pagpapasya, sana makapagpasya siya ng maayos," paalala ni Pabillo. Sinabi naman ni Bishop Iniguez na tungkulin ng pangulo na mapanindigan ang diwa ng batas para sa mahihirap na magsasaka. Pinuri nila ang mga mahistrado ng SC na naninindigan para sa kapakanan ng mga magsasaka. - MP/FRJ, GMA News