ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Mike Arroyo, pinayagang bumiyahe sa labas ng bansa


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Sakabila ng matinding pagtutol ng prosekusyon, pinayagan ng Sandiganbayan Fourth Division nitong Miyerkules na makabiyahe si dating First Gentleman Jose Miguel “Mike" Arroyo sa Japan at Hong Kong sa susunod na buwan. Sa desisyon ng korte, pinayagang pumunta sa Tokyo, Japan si Arroyo mula Mayo 3 hanggang Mayo 6, at sa Hong Kong mula Mayo 6 hanggang Mayo 10. Naunang hiniling ng dating unang ginoo na payagan siyang makalabas ng bansa mula Abril 28 hanggang Mayo 8. Inatasan din ng korte si Arroyo na maglagak ng travel bond na nagkakahalaga ng P90,000. Ikinatuwa ni G Arroyo ang desisyon ng korte at iginiit na walang dapat ipangamba na hindi siya babalik ng bansa. "There's no reason not to come back. Anyway it's just for a week at may permiso na ako sa asawa ko (dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo). Kailangan ko ding mag-relax," pahayag ni Arroyo. Iginiit niya na nananatili siyang inosente hanggang hindi napatutunayang sa korte na nagkasala siya sa mga kasong ibinibintang sa kanya. Si Arroyo ay kasamang kinasuhan sa Sandiganbayan kaugnay sa nabulilyasong National Broadband Network (NBN) project sa Zhongxing Telecommunication Equipment (ZTE) Corporation ng China. Akusado rin sa kaso sina Gng Arroyo, kongresista na ngayon ng Pampanga; dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos Sr., at dating Transportation Secretary Leandro Mendoza. Una rito, tinutulan ng prosecution panel ang petisyon ni G Arroyo na makabiyahe dahil wala namang partikular na pangangailangan na tinukoy ang akusado sa petisyon. “As one of the accused in the instant case, movant does not have an absolute right to leave the country," ayon sa prosekusyon. Pinuna nila ang umano’y imbitasyon ng isang negosyante sa Tokyo, Japan kay G Arroyo na wala naman daw nakalagay na partikular na lugar at pangalan ng grupo at schedule para sa sinasabing business meeting. Lumalabas din umano na ang nabanggit na imbitasyon ay galing sa isang “Evelyn Prieto Solis" na hindi naman pirmado. - RP/FRJ, GMA News