ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

CBCP: P6.4M prize ng isang pari gagamitin para sa mga katutubo


+
Add GMA on Google
Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.

Nangako ang isang pari na gagamitin ang kanyang Goldsman Prize na nagkakahalaga ng $150,000 (P6.4 million) para sa kampanya sa proteksyon ng mga katutubo, lalo na ang mga Mangyan sa Mindoro, ayon sa Catholic Bishop's Conference of the Philippines. Ayon kay Fr. Edwin "Edu" Gariguez, executive secretary ng CBCP National Secretariat for Social Action-Justice and Peace (NASSA-JP), ihahandog niya ang kanyang award money lalo na sa mga Mangyan, na umano'y kanyang inspirasyon. Sa ulat ng CBCP news site, sinabi umano ni Gariguez sa The Catholic San Francisco na dismayado siya sa pagkasira ng kabuhayan ng mga Mangyan, indigenous people sa Mindoro, mga magsasaka at mangingisda dahil sa iresponsableng pagmimina sa lugar. Pansamantalang itinigil ng gobyerno ang mining operation sa Mindoro matapos ang sunud-sunod na protesta na inilunsad ng grupo ni Fr. Gariguez. Nakapagbuo na rin umano ang mga grupo na nangangalaga sa mga katutubo ng Alliance Against Mining (ALAMIN). Ayon sa CBCP, ipagpapatuloy ng alyansa ang kampanya sa kabila ng pagpatay sa isang Protestant na pastor na sumusuporta sa kilusan laban sa mapanirang pagmimina. Noong 2009, pinamunuan ni Gariguez ang 11-araw na hunger strike, na nag-udyok sa Department of Environment and Natural Resources na gumawa ng aksyon. Idinulong ni Gariguez ang kanyang kampanya sa Organization for Economic Cooperation and Development, ang European counterpart ng IMF at World Bank. Kinausap din niya ang Intex [mining] shareholders upang ipaalam sa kanila ang umano'y pang-aabuso ng kompanya sa lokal na pamayanan at kalikasan. — Amanda Fernandez /LBG, GMA News