Pep.ph
GMA News Online
Showbiz

Dingdong Dantes promotes Endless Love teleserye to Malaysian press

April 27, 2012 10:54pm



Ikalawang araw ngayon ni Dingdong Dantes sa Malaysia.

Nitong Huwebes, April 26, lumipad ang Kapuso actor sa Malaysia para i-promote ang teleserye nila ni Marian Rivera, ang Endless Love, na ipinapalabas sa nasabing bansa.

Nagkataon na may press conference si Marian para sa kanyang bagong sitcom na, Tweets For My Sweets, nitong Huwebes din kaya si Dingdong lang ang nakaalis at nakapunta ng Malaysia.

Ang teleserye nilang Endless Love na ipinalabas sa Pilipinas noong 2010 ay kasalukuyang ipinapalabas sa Malaysia na naka-dub sa wikang Bahasa, na siyang lengguwahe ng Malaysia.

Masaya si Dingdong dahil nakita at nasaksihan niya mismo ang mainit na pagtanggap sa kanya ng mga taga-Malaysia.

Hindi nga raw maikakaila na sikat ngayon ang loveteam nina Dingdong at Marian sa naturang bansa.

Ngayong Biyernes, April 27, ay hectic raw ang schedule ng actor.

Nauna na rito ang press conference sa studio ng TV3, ang network na nagpapalabas ng Endless Love sa Malaysia.

Halos limampung press people daw ang dumating sa press conference para mag-interview kay Dingdong.

Maging ang manager ni Dingdong na si Perry Lansigan ay nagugulat sa dami ng nalalaman ng media doon tungkol sa Pinoy actor sa pamamagitan ng mga itinatanong nila.

Kahit ang pag-aaral ni Dingdong sa Bacolod ay naitanong sa kanya.

Ang unang naging tanong daw ay ang pagka-curios ng Malaysian press sa pangalan ni Dingdong.

Ang tunay na pangalan ng Kapuso leading man ay Jose Sixto Dantes III, pero bakit daw Dingdong ang itinatawag sa kanya.

Pinalakpakan naman ang tanong ng isang press kung kailan magpo-propose ng kasal ang aktor kay Marian.

Sinagot naman daw ito ni Dingdong ng, “I am praying for that too."

Tinanong din si Dingdong kung ano ang kanyang 10 favorite things.

Sagot ni Dingdong: “Cross [crucifix], watch, bike, fave ring, toys [life-size toys, superheroes], belt, pocket squares, cell phone, iPad, 90’s rock band particularly Pearl Jam, and bracelet."

Hinilingan din daw si Dingdong na kumanta kahit isang linya lang.

Pinaunlakan naman sila ng aktor sa pamamagitan ng kantang “Bakit Ngayon Ka Lang" ni Ogie Alcasid, na pinalakpakan ng mga tao.

Sa araw ring ito ay may live interview si Dingdong sa MEODI ng TV3, na isang lifestyle, infotainment show.

Panauhin din umano si Dingdong sa WHI, ang number one woman talk show sa Malaysia na ang mga host ay sina Fiza and Reena.

Sa Sabado, April 28, ang meet-and-greet ni Dingdong sa mga fans ng serye nila sa Ipoh Perak (Carnival Jom Heboh) sa northern State of Malaysia, na two hours away from Kuala Lumpur.

Ikalawang pagpunta na ni Dingdong sa Malaysia. Ang una ay nang i-promote nila ni Marian ang ipapalabas pa lang noon na Marimar.-- Rose Garcia, PEP
Go to comments