Pagpuri ni PNoy kina Angara at Villanueva, 'di raw premature campaigning
Ipinagtanggol ng Malacañang si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III sa alegasyon na maagang nangangampanya para sa dalawa nitong kaalyado na inaasahang magiging bahagi sa senatorial slate ng Liberal Party (LP) sa darating na 2013 elections. Ayon kay Presidential spokesperson Edwin Lacierda, hindi umano pangangampanya ang ginawang pagpuri ng pangulo kina Aurora Rep. Juan Edgardo Angara at Technical Education and Skills Development Authority director general Joel Villanueva, sa pagdiriwang ng kaarawan ni Oriental Mindoro Gov. Alfonso Umali Jr. nitong Linggo. “He’s just proud to have them. Wala pang nagpa-file ng certificates of candidacy so there’s no premature campaigning," pahayag ni Lacierda sa press briefing sa Malacanang nitong Lunes. “There are no premature campaigning because nobody has filed a certificate of candidacy. So we don’t know if they have already also evinced the desire to run. Let’s wait for their certificates of candidacy filed," dagdag niya. Sa kanyang talumpati nitong Linggo, inihayag ni Aquino na kailangan niya sa gobyerno ang kanyang mga kaalyadong katulad nina Villanueva at Angara, isa sa mga tagapagsalita ng House prosecution team sa pagpapa-impeach kay Chief Justice Renato Corona. Pagmamalaki ni Aquino, ipinaglalaban ni Villanueva ang karapatan ng mga tao para magkaroon ng hanap-buhay. Si Villanueva ay anak ni Jesus is Lord Movement head Eddie Villanueva, “Si Sonny (Angara) ho baka napapanood niyo sa TV madalas. Ito ho nagpapaliwanag ng mga usapin ng mga abogado sa impeachment para maintindihan natin lahat dahil kailangan tayong matuto, ano bang nangyayari talaga diyan sa impeachment na ‘yan," paliwanag ng pangulo. Dagdag niya, baka mahirapan si Angara kapag hindi nagtagumpay ang kasong impeachment laban kay Corona at magdesisyon ito na bumalik na lamang sa private practice. "Pag-iinitan nung mga hindi diretso ang lakad ng hukom. Kaya huwag po nating kakalimutan si Sonny Angara. Talagang lumalaban para sa atin," paghikayat ni Aquino. Samantala, inihayag ni Angara sa GMA News Online na ang mga pahayag sa kanya ng pangulo ay nakikita niya bilang, "public acknowledgment and praise of our work in the impeachment trial which is a great honor." "It's a great honor for no less than the President to praise one in public especially as impeachment spokesperson," dagdag ng kongresista. – Amanda Fernandez/FRJ, GMA News